Panahon na naman ng taniman. Isang umaga, pinasyalan ni Galupi ang kanyang bukid. Napansin niya ang nagtataasang damo na di na niya ikinagulat. Ngunit labis niyang ipinagtaka ang pagkasira ng kanyang bakod. Naisip niyang maaaring ito ay dahil sa nakaraang bagyo.
Mabilis na inayos ni Galupi ang nasirang bakod. Buong tiyagang ibinalik niya isa-isa ang malalaking bato sa dating kinalalagyan ng mga ito.
Kinabukasan, muli ay maaga siyang nagtungo sa bukid. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. Sira na naman ang inayos niyang bakod! Muli na namang nagkalat ang mga batong inayos niya. Nagtaka siya at nag-isip kung sino ang maaaring gumawa nito sa kanya. Napakabigat ng mga bato upang gawin ng mga bata. Wala siyang nagawa kundi muling ayusin ang bakod. Matapos nito ay nilinis niya ang mga damo upang ihanda ang lupa sa pagtatanim.
Nang sumunod na araw, muli ay nakita na naman niyang nagkalat ang mga batong inayos niya. Sa halip na pagtataka ay galit na ang kanyang naramdaman. Ayaw na niyang gawing muli ang bakod hanggang di niya nalalaman kung sino ang nanloloko sa kanya. Nagpasya siyang alamin kung sino ang may kagagawan nito sa kanya.
Hinintay niya ang pagsapit ng gabi sa likod ng punong pino, ilang metro lamang ang layo sa kanyang bakod na bato. Hindi nagtagal, isang nakasisilaw na liwanag ang nakita niyang gumuhit sa kalangitan. Pagkatapos, tatlong bituin ang nakita niyang papalapit sa kanya at bumaba ang mga ito sa kanyang bukid. Gulat na gulat siya nang ang mga bituin ay maging magagandang dalagang may pakpak. Singganda ang mga ito ng mga diwata at diyosa sa kanyang panaginip.
Ang di-makapaniwalang magsasaka ay halos hindi gumagalaw. Nag-aalala siyang matakot at umalis ang mga ito. Buong pagtataka niyang pinanood ang ginagawa ng mga dalaga. Nakita niya kung paano inalis ng mga ito ang kani-kanilang pakpak at nagsayaw sa mga batong nakakalat. Masayang nagtatawanan ang mga ito habang umiikot sa mga bato. Kung minsan ay binubuhat nila ang malalaking bato na animo'y singgaan ng lobo at itinatapon sa itaas.
Mabilis na nag-isip si Galupi ng paraan upang di makalipad ang mga dalaga. Tahimik na gumapang siya papalapit sa kinalalagyan ng mga pakpak ng mga ito. Isang pares pa lamang ng pakpak ang nakukuha niya nang mapansin ng isa sa mga ito ang kanyang anino. Napasigaw ito kaya't agad na nakuha ng dalawa ang kanilang mga pakpak at mabilis na nakalipad. Ang isang naiwan ay nagmakaawa kay Galupi na ibalik ang kanyang mga pakpak ngunit tumanggi siya.
"Bakit ninyo sinisira ang aking bakod?" tanong ni Galupi.
"Ikinalulungkot ko. Hindi namin alam na iyan ay bakod mo. Mula sa bahay namin sa kalangitan, naisip namin na isang magandang palaruan ang iyong bukid," umiiyak na sagot ng diwata. "Ngayon, maaari mo na bang ibalik sa akin ang aking mga pakpak? Gusto ko nang umuwi kasama ng mga kapatid ko. Pangako, hindi ka na namin guguluhin," pakiusap nito.
Hindi pumayag si Galupi. Unti-unti siyang naaakit sa kagandahan ng dalaga. "Anong pangalan mo?" tanong niya.
"Kayapon, " nahihiyang sagot ng dalaga. Iniuwi ni Galupi si Kayapon upang maging asawa niya. Naging mabuting asawa siya kay Galupi at kahit nalulungkot ay di siya dumaraing.
Samantala, itinagong mabuti ni Galupi ang mga pakpak ni Kayapon. Anumang gawing paghanap ni Kayapon ay di niya makita ang kanyang mga pakpak. Minsan ay nilalambing niya si Galupi upang ibigay ang kanyang mga pakpak. Ngunit lahat ng pagsisikap niya ay nabigo.
Umaasa si Galupi na malilimutan din ni Kayapon ang kanyang buhay sa kalangitan sa paglipas ng panahon. Nagkatotoo ito nang magkaroon sila ng anak. Mahal na mahal ni Kayapon ang kanilang anak. Nasiyahan naman si Galupi sa nakitang kasiyahan ni Kayapon sa kanyang bagong buhay sa daigdig.
Ngunit maingat pa ring itinatago ni Galupi ang mga pakpak niya sa isang banga. Natatakot pa rin siyang makuha ito ng kanyang asawa at umuwi ito sa kanila. Ngunit sa paglipas ng panahon ay di na siya naging maingat dahil sa nakikitang pagmamahal ni Kayapon sa kanilang mag-ama. Minsan sa pagmamadali niyang makapasok sa loob ng kanilang bahay ay nakaligtaan niyang itago ang pakpak na inilabas niya sa banga.
Nang sumunod na araw, nakita ni Kayapon ang kanyang mga pakpak. Tuwang-tuwang nilinis niya ito at isinuot. Sinubukan niyang lumipad at bigla niyang naisip na bumalik sa kanyang dating tahanan. Hindi niya ito makalimutan sa kabila ng pagmamahal niya kay Galupi at sa kanilang tahanan. Tinawag niya ang naglalarong anak at isinama itong lumipad patungo sa kalangitan.
Gayon na lamang ang kalungkutan ni Galupi nang pag-uwi niya ay wala na ang kanyang mag-ina. Mabilis niyang tinungo ang pinagtataguan ng mga pakpak at natuklasan niyang ang kinatatakutan niya ay nagkatotoo.
Naawa kay Galupi ang diyos ng kalangitan na si Lumawig. Itinuro niya rito kung paano makikitang muli ang kanyang mag-ina.
"Bukas ng madaling-araw, may makikita kang lubid na nakabitin mula sa langit. Dito ka umakyat patungo sa kalangitan. Pagdating mo roon, may makikita kang walong dalagang magkakamukha. Silang lahat ay kamukha ng iyong asawa. Hindi mo siya makikilala sa mga ito. Hintayin mong dumapo ang isang bubuyog sa isa sa kanila. Ito si Kayapon," mahabang pahayag ni Lumawig.
Hindi pa nakasasagot si Galupi ay nawala na sa kanyang paningin si Lumawig.
Kinabukasan, nagmamadaling lumabas ng bahay si Galupi. Tulad ng sinabi ni Lumawig, nakita niya ang isang lubid na nakabitin mula sa langit. Tuwang-tuwang umakyat dito si Galupi.
Sinunod niya ang lahat ng utos ni Lumawig kaya't nakarating siya sa tahanan ni Kayapon. Nang dumapo ang isang bubuyog sa isa sa mga dalaga ay bigla niya itong niyakap. Nasa likod nito ang kanilang anak. Naging masaya si Kayapon sa pagdating ni Galupi.
Sa puso ni Galupi, alam niyang masaya si Kayapon sa kalangitan kasama ng mga kapatid. Hindi makatwiran kung pipilitin niya itong umuwi sa kanyang daigdig. Samantala, nauunawaan naman ni Kayapon na ang kanyang asawa ay magsasakang dapat naninirahan sa daigdig.
Gumawa ng solusyon si Lumawig sa kanilang sitwasyon. Gumawa ito ng pakurbang daan mula sa kalangitan patungo sa lupa na kinalalagyan ng bakod na bato ni Galupi. Ito ang daan upang maging tahanan nina Galupi at Kayapon ang lupa at langit. Bilang regalo kay Kayapon, kinulayan ni Lumawig ng pula, dalandan, dilaw, berde, asul, indigo, at lila ang tulay. Ang arkong tulay na ito na may iba't ibang kulay ang unang bahaghari.