Ang magkapatid na sina Maria at Ana ay namumuhay nang magkasama sa isang malayong baryo na malapit sa bundok. Ulila na sila sa mga magulang kaya nagtutulungan na lang sila sa paghahanapbuhay. Nagtatanim sila ng mga gulay sa malawak nilang bakuran at ipinagbibili nila ang kanilang inaani sa palengke sa kabayanan.
Kapwa masipag ang magkapatid, ngunit may ugali silang magkaiba. Si Maria ay mabait at matulungin, samantalang si Ana ay maramot at makasarili.
"Bakit mo ipinamimigay ang mga bagay na pinaghirapan natin?" ang madalas sabihin ni Ana sa kanyang panganay na kapatid.
"Hindi natin ikagugutom ang kaunting bagay na ibinibigay natin sa ating kapwa," ang madalas na sagot ni Maria.
Isang hapon, may isang matandang babae na nakarating sa kanilang nayon. Kumatok ito sa pintuan nina Maria at Ana.
Si Ana ang nakapagbukas ng pinto.
"Maaari bang makahingi ng kaunting pagkain?" ang pakiusap ng babae. "Malayo ang aking pinanggalingan kaya pagod na pagod na ako at gutom na gutom."
"Sino ang may sabi na maglakad ka nang malayo pagkatapos dadaing kang nagugutom?" ang naiinis na wika ni Ana.
Narinig ni Maria ang sinabi ng kapatid. Lumapit siya at pinatuloy ang di-kilalang panauhin.
"Pumasok po kayo. Maupo po kayo at ipaghahain ko kayo," ang anyaya ni Maria sa matanda.
"Pagdamutan po ninyo ang kaunting pagkaing ito."
Palibhasa'y gutom ang matanda kung kaya't dagli itong naupo sa hapag-kainan at kumain. Nakasimangot naman si Ana habang kumakain ang matanda. Matapos kumain at makapagpahinga, nagpaalam na ang panauhin.
"Huwag na kayong babalik dito, ha!" ang babala ni Ana sa babae.
Hinarap ng babae si Ana. Biglang nagbago ang anyo ng matanda. Gumanda ito at naging diwata. Puting-puti ang kanyang kasuotan na may tungkod na kumikinang.
"Ana, ikaw ay pinarurusahan ko dahil sa masama mong ugali. Gagawin kitang maitim na ibon at maghahanap ka ng pagkain sa mabahong lugar. Dahil may mabuting kalooban si Maria, siya ay magiging maputing ibon. Mamahalin siya ng lahat ng tao," wika ng diwata. Pagkasabi nito, biglang naglaho ang diwata. Agad namang naging uwak si Ana at kalapating puting-puti si Maria.