Noong unang panahon ang mga tao ay walang palay. Ang kanilang kinakain ay gulay, bungang-kahoy, isda at mga hayop. Sila ay nangangaso sa gubat at nangunguha ng bungang-kahoy sa parang. Sila ay maligaya noon.
Nawala na ang mga hayop sa gubat at kakaunti na ang mga bungang-kahoy. Ang mga tao ay nalungkot.
Ang mga lalaki ay nangaso sa bundok. Sila'y pagod na pagod at gutom na gutom. Sila'y nagpahinga nang dumating ang magagandang dalaga. Ang mga ito ay engkantada. Sila ay makapangyarihan subalit magagalang.
Ang mga mangangaso ay kinumbida ng mga engkantada. Sila'y nagpunta sa yungib. Dito ay napakarami palang engkantada. Sila'y may reyna. Sila'y nagsaya noon, nag-awitan at nagsayaw.
Nagkaroon ng kainan. Nakita ng mga mangangaso ang malalaking tagayan. Ang mga ito ay punung-puno ng pagkain na puting-puti. Noon lamang sila nakakita ng ganitong pagkain.
Natapos ang kainan at ang mga lalaki ay naging bata. Sila ay lumakas. Sila'y pinainom ng puting alak at naging matalino.
Gusto nang umuwi ng mga mangangaso. Ang reyna ay nagsalita, "Kayo'y bibigyan ko ng butil. Ito ay itanim ninyo sa tag-ulan. Alam kong kayo ay mabubuti kaya iyan ay sisibol. Iyan ay mamumunga. Anihin ninyo ang bunga."
"Ang mga butil nainani ay bayuhin. Linisin. Ang butil ay magiging bigas. Ito ay lutuin. Iyan ang inyong pagkain. Iyan ang kaloob ko sa mga tao. Hala, umuwi na kayo."
Sumunod sa bilin ang mga tao. Ang bigas na niluto ang kauna-unahang kanin (rice) sa daigdig.