May nagkuwento na noong unang panahon ay may isang masungit na datung namumuno sa isang isla. Siya'y maraming asawa at mga anak.
Siya'y malupit sa kanyang mga anak.
Si Minda ay paborito sapagkat siya ang pinakamaganda.
Napagkaugalian ng datu ang mangaso. Maraming usa at baboy-ramong naglipana sa gubat.
Samantalang wala ang ama, si Minda ay naliligo sa ilog o di kaya'y namumupol ng mga bulaklak sa parang.
Isang araw may dumating sa ilog na isang lalaking galing sa Luzon. Ang kanyang pakay ay humuli ng inahing usang lunas sa kanyang inang maysakit.
Nagkataong si Minda ay naliligo sa batis. Nabighani si Doro sa gandang taglay ng dalaga kaya siya'y nagpakilala. Sa pagkikilala nagsimula ang pagtatangi sa isa't isa hanggang sa humantong sa pagmamahalan.
Binigyan ni Doro si Minda ng isang kuwintas na may palawit na krus, isang regalong nagpaligaya sa dalaga.
"Nakahuli na ako ng isang inahing usa kaya makababalik na ako sa Luzon. Ito'y ibibigay ko sa aking inang may karamdaman. Orasna magawa ko ito, ako'ymagbabaliksa piling mo. Kayapaalam!"
"Paano ko malalaman na tunay ka ngang babalik?"
"Ako'y babalik at hihingin ko ang iyong kamay sa iyong amang datu!"
"Tunay? Wala bang ibang paralumang naghihintay sa iyo?"
"Wala. Kung mayroon, iya'y si ina na may karamdaman!"
"Bukas ka na umalis. Mayamaya ay magdaratingan dito ang mga babae't lalaki na manguguha ng ginto sa ilog. Manood ka!"
Langkay-langkay na mga bata't matatanda ang mga nagsirating. Sila'y may mga dalang bilao. Sila'y nagsimulang maghanap ng mga pirasong ginto sa buhangin at putik na ilalagay sa bilao bago ito agagin. Samantalang sila'y nag-aag-ag. si Doro'y nagmamasid.
Mula kay Minda, "Kung gusto mo, Doro, gayahin mo sila. Maghanap ka na rin," tuloy bigay ng bilaong ag-agan.
Nakiag-ag na rin si Doro. Hindi nagtagal at siya'y nakaipon ng maraming piraso.
Si Minda ay nagsalita, "Kita'y bibigyan ng ginto. Marami ako sa bahay. Dalhin mo sa Luzon sa iyong pag-uwi. Ipagbili mo. Lalong mabuti kung maipagawa mong hikaw, singsing, pulsera at kuwintas sa platero. Pagbalik mo rito ang mga alahas ay ating ipagbibili. Maaari ring ipagbili iyan sa Batangas. Dahil ririwasa ang ating pamumuhay!"
Umalis si Doro. Siya'y umuwi sa Luzon.
Matapos makainom ng dugo ng usa ang ina ni Doro, siya'y gumaling.
Makailang araw, si Doro'y nakaalaala ng naipangako kay Minda - ang gawang bumalik. Kanyang ipinagtapat sa ina na yayamang siya'y magaling na, siya'y babalik kay Minda sa lalong madaling panahon.
"Doro, huwag ka nang umalis. Baka pagkaalis mo ay kung ano ang mangyari sa akin!"
Walang nagawa ang ina sa pagpigil sa anak. Siya'y bumalik kay Minda.
Anong galak ni Minda nang magbalik si Doro!
Si Doro'y nagprisinta sa Datu, "Kamahalan, narito kami ni Minda. Hinihingi ko sa inyo ang kanyang kamay!"
"Ano? Di yata't ang anak ko'y umibig sa ibang lalaki nang higit kaysa pag-ibig sa akin?" Siya'y galit na galit.
Ipinahuli ng Datu si Doro. At ipinag-utos sa mga kawal, "Itapon sa latian, sa tahanan ng mga buwaya!"
Nang sumunod na araw, sa pinagtapunan kay Doro ay nakita ang bangkay ni Minda. Siya'y nagpatiwakal dahil sa nangyari sa minamahal!
Ang Datu ay nagsisi sa kanyang kataksilan!
Mula noon ang lunang sumaksi sa malagim na trahedya ay pinangalanang Mindoro - kinuha sa pinagsamang pangalan ni Minda at Doro.