Noong unang panahon ang mga hayop daw ay nakapagsasalita. Minsan si Bathala'y tumawag ng pangkalaahaatang pulong upang pag-usapan kung paano mapangingilagan ng mga hayop ang walang tuos na pagpuksa sa kanila ng mga tao. Ang pulong ay ginanap sa libis ng isang bundok.
Ang lahat ng mga hayop ay nagsidalo subali't ang alitaptap, kabag, lamok, pagong, at gamugamo ay nangahuli. Sila ay isa-isang ipinatawag ni Bathala.
"Bakit ka nahuli?" ang usig ni Bathala."Pagbutihin mo ang sagot upang ako'y masiyahan."
"Ako po," ang simula ng alitaptap, ay kahapon pa naglalakad. Totoo pong malayo ang aking taahanan na nasa Ikapitong Bundok. Kayo na po ang bahalang magpaumanhin. Sa gabi po'y hindi ako makalipad pagka't madilim. Wala akong ilaw."
"Mula ngayo'y ikakabit ko sa katawan mo ang munting parol upang maging tanglaw mo."
Ang kabag naman ang sinulit, "Bakitka nahuli?"
"Ako po'y nahuli pagka't ako'y walang pakpak. Nananaghili po ako sa mga ibon."
"Bibigyan kita ng pakpak," ang mahinahong sagot ni Bathala. "Alam kong lubha kang mapagnaghiliin. Ang parusa ko sa iyo ay ito - maaari kang lumipad nguni't sa gabi lamang. Sa araw ay di ka makakakita."
"Ang lamok ay dagling humarap kay Bathala. Siya ay lumuluhang nagsalaysay, "Patawarin ninyo po ako. Nangangamba akong dahil sa aking kaliitan, ako'y hamakin ng aking mga kasama. Sadya po akong nagpahuli."
"Ah, gayon ba?" ang sagot no Bathala. "Upang maipagsanggalang mo ang iyong sarili kahit ka maliit ay bibigyaan kita ng mabuting kasangkapan. Sa pamamagitan nitong tukang tila karayom ay masisigid mo ang sinuman at tuloy masisipsip ang kanyang dugo."
"Marami pong salamat, dakilang Bathala."
"Doon po sa aming nayon," ang sumbong ng pagong, "ay kayraming magnanakaw. Malingat lamang ng kaunti ang iyong paningin ay wala na kayong ari-arian sa loob ng inyong tahanan. Akin po munang hinakot at inihabilin sa aking kumare ang lahat ng kasangkapan ko."
"Mula ngayon, sa paglakad mo ay lagi mong dadalhin ang iyong bahay."
Ang kahuli-huling tinawag ay ang bayawak. "Ano naman ang dahilan mo ngayon? Mainam kang magtahi-tahi ng salita."
"Bathala, sa akin pong pagparito ay aking inanyayahan si gamugamo. Nguni't napakabagal po niya at takot sa dala kong ilaw."
"Takot sa ilaw! Sabihin mo'y ang gamugamo'y nagpapakamatay sa liwanag. Magtigil ka nga! Sinungaling ka! Masdan mo dalawa ngayon ang iyong dila!"
Ang pulong ay natapos kaya't ang lahat ay nagsiuwi sa kani-kanilang tahanan na dala ang pinagkaloob sa kanila ni Bathala.