Noong bata pa ang panahon at di pa dumaraong sa ating dalampasigan ang mga Kastila, may isang makapangyarihang sultang namuno sa pinakamalaking kaharian sa Lu-sung. Siya ay kinatatakutan ng kanyang mga sakop dahil sa kanyang kalupitan at kaimbian ng kanyang mga kawal. Siya ay si Raha Sibasib.
Kung gaano kabuhong ang raha, gayon naman ang ganda ng anak na prinsesa. Bukod sa gandang panlabas, ay maganda rin ang ugali. Siya ay si Liwayway. Maraming mga prinsipe, datu at sultan sa iba't-ibang kaharian ang nagsasadya sa ama upang hingin ang kanyang kamay.
Ngunit si Prinsesa Liwayway ay hindi na malaya sapagka't ang kanyang puso ay nakatali na sa pangangalaga ng mangangasong si Matapang. Siya ay dalita. Ang kanyang tirahan ay isang maliit na dampa sa paanan ng bundok. Siya ay dalubhasa sa paggamit ng pana at busog. Kahit ibong lumilipad sa papawirin ay kanyang napapatamaan ng pana sa isang binti lamang.
Sapagka't si Matapang ay isa lamang alipin hindi siya makatun-tong sa loob ng palasyo. Ang magkasintahan ay panakaw na nagtatagpo sa mga liblib na pook. Kapag malaman ng sultan ang kanilang pag-iibigan iya'y nangangahulugan ng pagtagpas sa ulo ng binata.
Ang napili ng sultan upang pakasalan ni Prinsesa Liwayway ay anak ni Sultan Mataas na ang kaharian ay karatig ng kay Sibasib. Hindi nakursunadalian ni Liwayway ang lalaki pagka't lampas na sa gulang at pangit. Hindi napagbago ang pagtatangi ni Liwayway kay Matapang bagaman ang binata'y kinasusuklaman ng ama.
Nang ang magkasintahan ay nagtagpo sa pugad ng aliw, sila'y namataan ng tagasubaybay ng sultan. Isinumbong nito sa sultan ang nakita upang siya'y mapuri sa paglilingkod. Nang malaman ito ni Sultan Sibasib, ipinatawag niya ang prinsesa.
"Tunay nga bang kinatagpo mo si Matapang, ang dukhang mangangaso ng kabundukan?" tanong ng ama.
"Opo, Amang Sultan," sagot ni Liwayway. "Kami po'y nag-iibigan."
Walang pagsidlan ang galit ng sultan. "Wala kang turing!" ang sigaw. "Ikaw ay isang prinsesa, isang dugong mahal at anak ng pinakamakapangyarihang sultan. Ipagkakaloob mo ba ang iyong pagmamahal sa isang alipin? Hindi ba sinabi ko sa iyo na ikaw ay akin nang naipagkasundo sa anak ni Raha Mataas? Ikaw ay ipakakasal ko sa kanya sa darating na kabilugan ng buwan!"
"Subali't Ama ko," ang daing ng prinsesa. "Ang anak ni Raha Mataas ay napakatanda para sa akin. Siya'y para ko nang ama! Siya'y hindi ko iniibig!"
"Magtigil ka, Liwayway. Hindi mo na muli makikita ang lalaking iyan." At dagling ipinatawag ng Sultan si Atungal, ang pinakamabangis na kawal ng tribu.
"Atungal," ang sigaw na pautos, "dalhin mo sa dampa ni Matapang ang iyong mga kawal. Iligpit mo ang binatang iyon. Patayin mo na parang aso! Ipakita mo sa akin ang kanyang ulo. Kayo'y aking gagantimpalaan. Kung hindi madala rito ang kanyang ulo ang inyong mga ulo ang kapalit!"
Dumating sa kaalaman ni Liwayway ang babala ng ama. Palihim na pinuntahan ng prinsesa si Matapang upang sagipin siya sa panganib.
Nang dumating doon ang prinsesa si Matapang ay nakitang naghuhukay ng mga lamang-ugat sa tabi ng batis. May luhang isinalaysay ng dalaga sa binata ang napipintong panganib. Batid nilang dalawa kung ano ang kahahantungan ng babala.
"Mabuting ikaw ay umalis. Lisanin mo ang lugal na ito!" ang pakiusap ni Liwayway. Magtago ka sa gubat. Mayamaya'y narito na si Atungal at ang kanyang mga kawal. Magmadali hangga't may panahon!"
Subali't si Matapang ay ayaw umalis kahit anong gawing pag-ulok ng prinsesa. Samantalang hinihintay ang pagdating ni Atungal, ang ginawa ni Matapang ay dinukot ang singsing sa kanyang bulsa. Ang singsing na ito'y ibinigay sa kanya ng isang matandang babaeng kanyang iniligtas sa makamandag na ahas kagubatan. Nang ipagkaloob ang singsing kay Matapang, ang matanda ay nagtagubilin ng ganito:
"Dahil sa iyong pusong ginto at pagkamatulungin, ibinibigay ko ang singsing na ito. Iya'y makatutulong sa iyo sa mga sandali ng pangangailangan. Ang Diyos ay mabuti sa mga taong may mabuting kalooban. Humingi ka ng anumang kagustuhan at iya'y masusunod."
Nabatid ng binata na ang singsing ay mahiwaga. Ang liwanag na nagmumula rito ay kumikislap.
Tiningnang mabuti ni Matapang ang singsing. Naalaala niya ang tagubilin ng matanda, "Humingi ka ng kahilingan at iya'y ipagkakaloob."
Siya'y napangiti at ang pag-aagam-agam niya'y naparam. Siya'y nagpalinga-linga upang tiyakin ang pagdating ng mga kawal ng Sultan.
Dumating si Atungal at ang kanyang mga tauhan. Akibat nila'y mga busog at palaso. Namataan nila si Matapang na nangungubli sa likod ng puno.
"Iyon! Ang ulo ng traidor ay madaling tagpasin. Pihong tayo'y nakasisiguro sa pabuya ni Sultan Sibasib!" sigaw ni Atungal. "Umabanti kayo, mga kawal!"
Nang makita ni Matapang ang kanilang pagsulong, kanyang itinaas ang singsing at nanalangin, "O dakilang Bathala, ako po'y iligtas mo. Ang hiling ko'y si Atungal at kanyang nga kawal ay gawin mong pinakapangit na mga hayop sa gubat. Sana'y ang kanilang mga sibat ay matanim sa kanilang mga bibig. Sila sana ay tugisin ng mga mangangaso katulad ng pagtugis nila sa akin sa mga sandaling ito."
Halos hindi pa natatapos ang dalangin ni Matapang, isang kataka-takang pangyayari ang naganap. Nayanig ang lupa. Nalambungan ang bundok ng maitim na ulap. Lumakas ang ihip ng hangin. Kumidlat nang matatalim. Sina Atungal at mga kawal ay sinakmal ng bagyo. Si Matapang ay hindi naano sa lilim ng puno na pinagkukublihan.
Nang tumigil ang bagyo, nakita ni Matapang sa lugal na kinalalagyan ni Atungal at mga kawal ang mababangis na hayop na may matatalas na pangil!
Mula noon ang mga hayop na itong naglipana sa pusod ng gubat ay tinawag na baboy-ramo. Sila'y tinutugis ng mga mangangaso. Sila'y hinuhuli at ang kanilang karne ay kinakain pagkat malinamnam.