Noong unang panahon ay walang kalupaan. Ang mundo ay pawang karagatan at kalangitan lamang.
Ang langit ay nasa itaas at sa ibaba naman ang dagat. Sila ay matalik na magkaibigan. Sa pagitan nila naninirahan ang ibon. Isang araw matapos lumipad patungo sa langit at bumalik sa dagat, hapung-hapo na sa kalilipad ang ibon. Dahil dito, umisip siya ng paraan upang magkaroon ng kalupaan, sa gayon siya'y makapamamahinga. Nagtungo siya sa langit at sinabi niya rito na ito'y pinipintasan at sinisiraan ng dagat. Pagkatapos ay sinabi naman niya sa dagat na ito'y pinipintasan at sinisiraan ng langit. Naghatid ng maling balita ang ibon sa langit at sa dagat hanggang sa magkagalit ang dalawa.
Nagpahatiran ng masasakit na salita ang dalawa sa pamamagitan ng ibon. Tuwing magbabalita ang ibon ng pasabi sa isa't isa ay dinaragdagan niya kaya't sa pagdaraan ng mga araw ay galit na galit na ang langit sa dagat. Gayon din naman ang dagat sa langit.
Isang araw ay hindi na nakatiis ang dagat kaya't sinabuyan niya nang sinabuyan ng tubig ang langit. Tumaas nang tumaas ang langit upang umiwas sa isinasabog na tubig ng dagat. Bilang ganti sa ginawa sa kanya ng dagat ay binagsakan ito ng maraming bato ng langit. Ang mga batong ibinagsak ng langit ay natipon at naging pulo ng bato. Pagod na pagod na ang dalawa kaya't tumigil na sila sa pag-aaway.
Tuwang-tuwa naman ang ibon sapagkat may mapagpapahingahan na siya. Buong kasiyahan siyang namahinga at nang dumating ang gabi ay natulog nang mahimbing. Sa pagdaraan ng mga araw ay may tumubong mga halaman sa batuhan. Lalong natuwa ang ibon sapagkat higit niyang ibig dumapo sa mga halaman.
Isang hapon na siya'y nakadapo sa punong kawayan ay nakarinig siya ng mahihinang katok sa loob niro. Tinuka nang tinuka ng ibon ang kawayan at lumabas ang unang lalaki na tinawag na si Silalak. Pamaya-maya ay nakarinig siyang muli ng mararahang katok sa katapat na punong kawayan kaya't tinuka nang tinuka din ng ibon ang naturang kawayan. Mula rito y lumabas naman ang unang babae na tinawag na si Sibabay. Sina Silalak at Sibabay ang mga unang tao sa mundo.