Noong araw, sa Lumang Taal, Balangay ng Batangan, may mag-asawang may anak na lalaki. Ang pangalan ng ama ay Rupino, ang ina ay Paula, at ang anak naman ay Tirso. Sa halip na maging maalaala at mapagmahal sa asawa't anak, si Rupino ay totoong pabaya. Siya ay napakatamad at sugarol pa. Kaya upang sila'y mabuhay, si Paula ang siyang naghahanap-buhay.
Isang araw, si Paula ay nagluto ng pananghalian. Si Rupino ay pinakiusapan ni Paula na magsibak ng kahoy upang may maigatong sa niluluto. Matagal ding nakiusap si Paula bago napasunod si Rupino. Datapwa't hindi pa halos nangangalahati ng pagsibak si Rupino ay huminto na.
"Paula, Paula," ang sigaw ni Rupino buhat sa ibaba, "napakasakit ng ulo ko. Para bang mabibiyak. Bigyan mo nga ako ng piso at bibili ako ng gamot."
Nalalaman ni Paula na si Rupino ay nagdadahilan lamang, marahil ay tinatamad at sinusumpong ng pagsusugal.
"Saan ba ako kukuha ng piso?" ang sagot ni Paula. "At saka anong sakit ng ulo ang sinasabi mo? Ang totoo'y ibig mo lamang magsugal. Sulong! Kung ayaw mong magsibak ng kahoy ay umalis ka at ako ang magsisibak."
Si Rupino ay umalis na ngingiti-ngiti pa. Hindi siya nagbalik kundi nang inaakala niyang luto na ang pagkain.
"Paula, maghain ka nga," ang utos niya sa asawa. "Nagugutom ako."
Si Paula naman na nakalimot na ng kanyang galit ay madaling sumunod.
"Tirhan mo ng kaunting kanin at kaunting ulam si Tirso," ani Paula. "Siya'y hindi pa kumakain sapagka't inutusan ko."
Ngunit nasarapan si Rupino sa pagkain. Nang maalaala niya ang pagtitira ng kaunting kanin at ulam kay Tirso ay naubos na niyang lahat ang kanin at ulam.
Nang dumating si Tirso at maghalungkat sa paminggalan ay nakita niyang ubos nang lahat ang ulam at kanin.
"Inay, wala na pong ulam at kanin a," ang maiyak-iyak na sumbong ni Tirso. "Simot na simot po ang mga palayok."
"Rupino, hindi mo ba tinirhan ng pagkain ang anak mo?" ang usisa naman ni Paula.
"Aba, tinirhan ko," ang pagsisinungaling ni Rupino. "Baka kinain ng hayop." Hinanap niya ang kanilang pusa at aso. Ang mga hayop ay pinagpapalo ni Rupino hanggang sa ang pusa at aso ay magtalunan sa batalan.
Lumipas ang mga araw. Noon ay tag-ani na ng palay. Upang may-roon silang makain, ang mag-inang Paula at Tirso ay tumulong sa pag-aani ng palay sa kanilang mga kapitbahay na may mga palayan. Ang palay na iniuupa sa kanila ng kanilang mga tinutulungan ay itinatago nila sa isang bangang malaki sa kanilang silid.
Isang araw, sa paghahalungkat ni Rupino sa loob ng silid ay natagpuan niya ang banga ng palay. Nang makita niyang mapupuno na halos ang banga ay napangiti nang lihim. Alam na niya ang kanyang gagawin. Mapaglalalangan na naman niya si Paula.
Nang dumating ang mag-ina buhat sa bukid ay dinatnan nila si Rupino na naghihimas ng manok. Si Rupino ay mukhang malungkot na malungkot.
"Aba, ano ang nangyayari sa iyo?' ang usisa ni Paula. "Bakit pang Biyernes Santo ang mukha mo?"
"Masama ang nangyari, e," ang simula ni Rupino. "Natalo ako sa tupada."
"O, e ikaw ba naman ay nanalo na," ang wika ni Paula. "Ang ipinagtataka ko sa iyo ay kung saan ka kumukuha ng ipinatatalo."
"Iyon na nga ang sasabihin ko sa iyo. Nakita ko ang palay na tinipon ninyo sa banga sa silid at ipinagbili ko. Ang iniisip ko ay kung iyong pinagbilhan ay maparami ko ay gugulatin kita. Nguni't talaga yatang minamalas ako - lahat ng pinagbilhan ko ay natalo."
Si Paula at si Tirso ay hindi nakakibo. Si Paula ay nanlambot na lamang at nangilid ang luha. Pumanhik silang mag-ina sa bahay na malatang-malata ang katawan.
Si Rupino ay maliksing tumayo nang makapanhik na si Paula at si Tirso. Tuwang-tuwa siya samantalang siya'y nagbibihis. Ang totoo'y hindi pa natatalo ang sampung pisong pinagbilhan niya ng palay. Ang limang piso ay nasa bulsa niya at ang lima pa ay itinago niya sa loob ng lambat na nakasuksok sa kanilang silong. Ang limang pisong nasa bulsa niya ay dadalhin niya sa sugalan. Kung sakaling matalo iyon ay maaari pa siyang umuwi at kumuha ng puhunan.
"Inay, paano ang gagawin natin ngayon?" ang tanong ni Tirso nang nakaalis na si Rupino. "Nasayang lamang ang pagod natin."
"Bayaan mo na anak, at ako'y maghahanap ng maipagbibili," ang wika ni Paula. "Makararaos din tayo sa awa ng Diyos."
Si Paula ay naghalungkat ng anumang maipagbibili sa loob ng bahay nguni't wala siyang makita. Nanaog siya at baka sakaling sa silong ay may makita siya. At hindi nga siya nagkamali sapagka't namataan niya agad ang lambat na nakasabit sa isang haligi. Ang lambat ay kinuha ni Paula at madaling dinala sa intsik at ipinagbili ito. Ang pinagbilhan ay ibinili agad ni Paula ng kalahating kabang bigas at ng maiuulam na nila ng marami-raming araw.
Si Paula ay kasalukuyang nagluluto nang si Rupino ay dumating na humahangos.
"Kakain ka na ba?" ang tanong ni Paula. "Malapit nang maluto ang ulam."
"Huwag mo akong abalahin," ang payamot na sagot ni Rupino at nanaog uli. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silong.
Walang anu-ano ay mabilis na umakyat sa hagdan si Rupino.
"Ang lambat? Nasaan ang lambat?" ang humahangos niyang usisa. "Ano ang ginagawa mo sa lambat?"
"Ha? Lambat?" ang walang tutong sagot ni Paula. "A, ang lambat. Ipinagbili ko at ang pinagbilhan ay ibinili ko ng kalahating kabang bigas at ng maraming ulam."
"Ipinagbili mo! Ipinagbili mo ay may lamang limang piso iyon!" Si Rupino ay nanginginig na lumapit sa asawa. Sinampal niya ito nang ubus-lakas, sinuntok at sinipa. Hindi pa yata nagkasiya roon ay hinawakan niya sa ulo si Paula at ipinukpok nang ipinukpok ang ulo nito sa dingding ng bahay. "Hindi mo ba nalalamang itinago ko sa lambat ang kalahati ng pinagbilhan ko sa palay?"
"Diyos ko!" ang panangis ni Paula nang lubayan na siya ng kagugulpi ni Rupino. "Labis-labis na po ang mga pagtitiis namin ng anak ko sa taong ito. Diyos ko, kaawaan mo po kami! Maano pong kunin Mo na ang taong ito at nang kami naman ng anak ko ay makatikim ng ginhawa!"
At anong laking himala ang nangyari. Isang napakatalim na kidlat ang biglang gumuhit, kidlat na sinundan ng kulog na nakatutulig. Si Paula at si Rupino ay kapwa nawalan ng malay-tao.
Nang si Paula ay pagsaulan ng hininga ay nakita niyang si Rupino ay maitim na maitim at patay na. Si Rupino pala ay tinamaan ng kidlat. Samantalang pinagmamasdan niya ang mukha ni Rupino ay may narinig, siyang isang tinig na nagsasabi ng ganito: "Ibaon mo sa inyong halamanan ang bangkay ng iyong asawa. Sa puntod ng kanyang libingan ay may sisipot na isang halaman. Alagaan mong mabuti ang halamang iyan sapagka't iya'y pakikinabangan ninyo. Si Rupino ay di nakatulong sa inyo noong siya'y nabubuhay. Ngayong siya'y patay na ay makatulong na sana siya sa inyo."
Hindi naman naglaon at isang baging na maganda at malusog ang sumipot sa puntod ng libingan ni Rupino. Ang baging ay madaling lumaki at namunga, at nang anihin ni Paula ang mga bunga ng baging at kanilang kanin ay anong sarap ng mga bungang iyon sa panlasa. Ang baging na iyon ang unang pipino sa daigdig. At sapagka't ang baging ay sumipot sa puntod ni Rupino, tinawag itong PIPINO.