Hinding hindi ko malilimot ang munting bayang iyon na nasa tabi ng dagat. Ito'y mistulang kabibing itinapon sa gitna ng tubig. Parang biyaya ng kalikasan, kapirasong matabang lupang kapatagan na ang mga paa ay nabababad sa alat - iyan ang NASUGBU.
Minahal ko ang kanyang maliliit na burol at mga talampas at lumalagaslas na batis. Walang maipaglihim na kagandahan ang bayang yaon pagka't ang lahat na'y aking sinaliksik. Ako ngayon ay nasapusod ng Mindanao subali't ang apat na taong aking ipinamalagi roon ay laging nagsasayaw sa aking balintataw. Ako'y palaaral ng buhay ng tao at sapagka't ako'y isang guro kaya natutuhan ko ang mga ugali, pamahiin at tradisyon ng mga mamamayan doon. Samantalang sinusulat ko ito ay nagbabalik mandin ang aking gunita sa bayang iyong pinatamis ng asukal at pulot-pukyutan. Ang sumusunod ay isang alamat na napulot ko roon. Sakaling may isang manlalakbay na magawi sa bandahing iyon, walang salang maririnig niya ang alamat na ito na ginagawang panghele ng mga ina sa duyan ng mga bunso, ikinukuwento ng mga lolo sa kanilang mga apo at pinapaksa ng mga binata't dalaga sa kanilang usapan samantalang nagpapainit sa kalan lalo't malamig ang Pasko.
Noo'y Himagsikan ng 1896. Ang pag-ibig ay laging bahagi ng digma.
Si Milda ay dalaga ng nayon at libu-libo ang kanyang tagahanga. Si Nardo nama'y isang binatang mangingibig na nagkapalad sa lalong mapalad sapagka't ang kanyang pag-ibig ay tinugon ni Milda ng kapwa pag-ibig. Si Nardo ay napabilang sa mga unang kawal na pumalarangan sa digma upang ipagtanggol ang karangalan ng bayang api. Kanyang ikinalulungkot na lisanin si Milda nguni't kailangan nang masugpo ang pagmamalabis ng mga Kastila.
"Milda, ipangako mo sa akin na ikaw ay si Milda rin sa aking pagbabalik."
"Ako'y nangangako!"
"Anaki'y di mo ikinababalisa ang aking pag-alis!"
"Ikinatutuwa ko ang iyong paglisan hindi dahil hindi kita minamahal kundi sapagka't nag-uumapaw ang pag-ibig ko sa Inang bayan. Ang iyong pag-alis ay nangangahulugan ng kanyang katubusan. Tinatawag ka ng tungkulin. Hindi maaaring ikaw ay laging nasa aking piling. Alam mo ba kung ilang mga tahanan ang nawasak dahil sa panggagahis ng ating mga kaaway?"
"Subali't Milda, kita'y iniibig!"
"Mahalin mo ang bayan nang higit kaysa akin!"
"Kasama mo ako hanggang libingan!"
At sila'y naghiwalay.
Nagtumulin ang paglipas ng mga araw. Walang balita galing kay Nardo. Tapos na ang Himagsikan at nag-uwian na ang mga kawal nguni't walang Nardong nagbalik! Siya kaya'y isa sa mga sinawing-palad?
Si Milda, sa paglipas ng mga araw ay sumailalim sa mga pagsubok! Kanya kaya itong mapaglalabanan? Siya ay maganda. Ayaw niyang sayangin ang kagandahang iyon upang malaing sa init ng tag-araw. Siya'y bata pa. Nasa kanyang dugo ang pusok ng paghihimagsik. Nasa kabataan ang paglimot. Ang kabataan ay nakadarama; ang katandaa'y tagagunita lamang! Siya ba'y inilaang maghintay na walang katapusan? Maraming mga binatang nagpapaligsahan sa paghingi ng kanyang kamay!
"Talaga bang hindi mo malilimot si Nardo?" anang isang mangingibig.
"Ang panahon lang ang nakababatid. Ang panahon lang ang makahihilom sa matanda nang sugat!"
"Anong kahulugan ng iyong pagpapakasakit gayong alam ng madla na si Nardo ay nasawi sa labanan? Nasaksihan ng aking mga mata ang kanyang dakilang pagkamatay sa labanan sa Kakarong!"
Ang panunuyo ay natapos sa altar. Sina Milda at Nilo ay nagtaling-puso. Ipinailanglang ng dupiki ng batingaw ang kasayahan subali't ang buhay ay di laging ngiti at awit; manapa'y ito'y isang mahabang rosaryo ng pagtitiis.
Minsan, si Nilo ay wala sa tahanan. Siya'y may pinuntahan kaya si Milda ay napag-isa. Noo'y hatinggabi. Siya'y balisa at hindi mapalagay. May narinig siyang halinghing ng kabayo. Kinamaya-maya'y isang lalaking nakarayadilyo ang kumatok sa pinto. Siya ay nakapasok at si Milda'y nagitlahanan at di makapagsalita.
"Milda, kay aga mong nakalimot!"
"Nardo, Saan ka nagsuot sa marami nang mga taon? Maaari... bang... Maaari ka bang magpatawad? Bigyan mo ako ng pagkakataong magpaliwanag."
"Nababatid ko na ang lahat. Hindi na kailangan ang paliwanag. Ang Diyos ang magpapatawad. Hindi ako. Ang aki'y paghihiganti! Milda, ikaw ay may utang na dapat pagbayaran. Ako'y naparito upang maningil. Kung batid mo lamang ang mga hirap na aking tiniis! Hindi ka sana naging malabiga!"
Napahandusay si Milda sa sahig at nawalan ng ulirat.
Isinakamay ni Nardo ang batas. Di ba't siya ang batas? Di ba't ang lakas ang siyang batas? Itinaas ni Nardo ang kampilan, at itinuon ang mga mata sa langit saka nagdasal: "Patawarin mo ako, O Diyos. Ito na po lamang ang tanging landas!"
Kanyang biniyak ang dibdib ni Milda at kinuha ang puso. "Sa kanya, sinuman siya, ang laman, subali't sa akin... ang para sa akin ay ang puso pagka't ako'y tapat hanggang wakas!"
Ibinaon ni Nardo sa looban ang puso ni Milda. Ito'y lagi niyang dinidilig tuwing umaga. Inalagaan niya nang buong ingat at anong pagtataka niya nang mamalas ang maliit na halamang tumubo sa kanyang pinagbaunan. Ang halaman ay parang hinuhugot sa paglaki dahil sa tulong ng araw at ulan, hanggang sa ito'y mamulaklak. At di kasi, ang mga bulaklak ay naging mga bunga.
Isang hapon nang si Nardo ay nagpapahinga sa lilim ng halaman, siya'y nalaglagan ng isang bungang hinog. Hindi napagwari ni Nardo kung anong uri ng bunga ang kanyang pinagmasdan. Tinanong niya ang sarili kung bakit ang buto ay nasa labas! Ito ay hugis puso na pabiyak. Iyan kaya ang puso ni Milda?
Noo'y lumulubog na ang araw sa abuhing Bundok ng Tagaytay. Sa duklay ng sanga ng halaman ay may kulasising umawit. Si Nardo'y tila nangangarap. Lumuhod at nanalangin: "Diyos ko, si Milda ba'y Inyong pinatatawad?"
Mandi'y parang baliw si Nardo. Kinain niya ang buto sa halip na bunga. Noon di'y siya'y namatay subali't ang kasoy hanggang sa mga sandaling ito'y naroroo't buhay, namumunga at sumasagisag sa pagtataksil ng apo ni Eva.