Noong unang panahon, ang mga katutubo sa kabundukan ay hindi pa mga binyagan. Ang kanilang pinupuri at pinasasalamatan sa mga biyayang napapasakanila ay ang itinuturing nilang Bathala. Kapag nagwawagi sila sa pakikidigma laban sa mga taong kabilang sa ibang tribu ay tumatawag sila kay Bathala. Kapag nakakakuha sila ng maraming gulay o prutas ay si Bathala rin ang kanilang tinatawag upang pasalamatan. Sama-sama silang tumatawag at pumupuri kay Bathala sa pamumuno ni Yaw-yawen, ang puno ng mga katutubo.
"Nagpapasalamat kami, Dakilang Bathala, sa katiwasayan at kaligayahang nalalasap namin sa mga sumandaling ito. Pinasasalamatan po namin ang masaganang ani na inyong ipinagkaloob. Pinasasalamatan din namin ang kalusugang hindi namin maipagpapalit sa alinmang yaman. Nawa, ang lakas ng aming katawan at talinong patuloy ninyong ibinibigay sa amin ay mapasaamin sa habang panahon," ang malakas na dalangin ni Yaw-yawen na sinasabayan naman ng mga taong kanyang nasasakupan.
Likas na masisipag ang mga katutubo. Bago pa man sumikat ang araw ay nasa taniman na sila at pinagyayaman ang matabang lupa. Ang ilan naman ay nasa dagat upang manghuli ng mga matatabang isda. Magkikita lamang sila kapag matindi na ang sikat ng araw.
Isang umagang abala ang lahat sa pagtatanim at panghuhuli ng mga isda ay isang malakas na hangin ang humihip. Halos tangayin nito ang mga katutubo. Ang lahat ay natakot.
"May unos kayang darating?" ang tanong ng isang matandang babae.
"Huwag naman po, Bathala," ang nasabi ni Yaw-yawen. "Magsiluhod tayong lahat at tumingin sa langit. Alam kong hindi tayo pababayaan ni Bathala."
At nagsiluhod ang mga katutubo. Pagkaluhod nila'y sabay-sabay silang tumingala sa langit. Anong himala! Biglang nagdilim ang paligid. Kinilahutan ang mga katutubo. Ang iba'y inihanda na ang sarili upang mamatay. Ngunit ang karamihan ay nagsiluha at lalong tumibay ang pananalig sa Diyos.
"Bathala... aming Bathala, ipinauubaya na namin sa inyo ang aming kapalaran," ang panalangin ng lahat sa pamumuno ni Yaw-yawen.
Sa isang iglap, ang dating madilim na paligid ay napalitan ng naiibang liwanag. Nang tingalain ng mga katutubo ang langit ay nakakita sila ng isang bolang apoy. Paikut-ikot ito at nang mawala ay isang malinaw na aninong puti ang kanilang nakita.
"Huwag kayong matakot. Ako ang tinatawag ninyong Bathala," ang sabi ng aninong puti. "Nagpakita ako sa inyo hindi upang kayo'y takutin, kundi upang pagkalooban kayo ng isang magandang biyaya."
"Biyaya po, aming Bathala?" ang tanong ng mga katutubo.
"Oo, biyaya," ang sagot ni Bathala.
"Marami pong salamat, aming Bathala. Ngunit hindi pa po ba sapat ang kapayapaan, kaligayahan, kalusugan, at masaganang ani na inyong ipinagkakaloob?" ang tanong ni Yaw-yawen.
"Ipinakikita ninyo ang inyong angking kasipagan at mabuting pagsasamahan kaya't dapat lamang na bigyan ko kayong lahat ng biyaya," ang sagot ni Bathala.
"Magpapadala ako ng aking kinatawan. Bababa siya sa lupa at kayo'y bibigyan niya ng mga buto ng ginto. Inaasahan kong itatanim ninyo ang mga butong ito hanggang sa mamunga ng mga ginto. Isang malaking kayamanan ang magiging bunga ng mga punong inyong paghihirapang palakihin. Isang kundisyon lamang ang aking hinihiling sa inyo," ang sabi ni Bathala.
"Ano po iyon, Bathala?" ang tanong ni Yaw-yawen.
"Na huwag na huwag ninyong puputulin ang mga punungkahoy, lalung-lalo na ang mga punong ginto na aking ipagkakaloob," ang utos ni Bathala.
At nang araw na dumating ang kinatawan ni Bathala na dala-dala ang mga buto ng ginto ay nagsimulang magtanim ang mga katutubo. Pagkaraan ng ilang araw ay sumibol ang halaman. At pagkaraan ng maraming taon ay nagsilago at tumindig ang mga matataas na puno ng ginto.
"Nasaan ang bunga? Bakit ang tagal-tagal na'y hindi pa namumunga ang mga punong iyan?" ang inip na inip na nasabi ng mga katutubo.
"Putulin natin ang mga puno. Tiyak na nasa loob ng mga malalaking katawan ang mga gintong ating hinahanap," ang mungkahi ng isang lalaki.
"Oo nga! Sige, putulin natin ang mga puno," ang utos ni Yaw-yawen.
"Putulin! Putulin!" ang sabay-sabay na sabi ng lahat.
At pinutol ng mga tao ang katawan ng mga punungkahoy. Ngunit anong pagkakamali! Bigla na namang humihip ang napakalakas na hangin. Nagdilim ang paligid at muling nagpakita ang puting anino.
"Si Bathala! Nagpakitang muli si Bathala!" ang sigaw ng lahat.
"Bathala, bakit po hindi pa namumunga ang mga ginto?" ang tanong ni Yaw-yawen.
"Sinuway ninyo ang aking utos. Mahigpit kong ipinag-utos sa inyo na huwag na huwag ninyong puputulin ang mga puno. Mula ngayon, ang gintong dapat sana'y mapasainyo ay mananatiling nasa ilalim ng lupa. Hindi ninyo makikita iyon hangga't hindi ninyo pinaghihirapang kunin," ang sabi ni Bathala.
Gayon na lamang ang pagsisisi ng mga katutubo sa kanilang ginawa. Ang gantimpalang ginto na dapat mapasakanila sa pamamagitan ng mga puno ay biglang naglaho.
Mula noon, hanggang ngayon, ang ginto'y sa ilalim ng lupa na lamang matatagpuan.