May isang malaking punongkahoy na nakatayo sa bundok ng Patocan. Pinanununghan ng bundok ang kapatagan ng Tanudan. Malimit magpahinga sa lilim ng malalabay na sanga ng punongkahoy ang mga tao matapos na sila'y magtrabaho sa kani-kanilang tumana.
Ang datu ng kapatagan ay may anak na magandang dalaga. Ang pangalan niya'y Idonsan na ang kahuluga'y "Pinakamaganda". Marami siyang manliligaw at tagahanga.
Ang kagandahan ni Idonsan ay laging paksa ng usapan sa lilim ng punongkahoy na nara.
Ninais ng puno ng nara na maging isang binata upang siya ay makapamintuho sa dalaga. Baka raw siya ang hinihintay nito. Umaasa siyang magtatagumpay sa piano niyang paniningalang-pugad.
Siya ay nanalangin, "Aking Bathala, gawin mo po akong isang binata!"
Kaagad dumating ang malakas na bagyo. Dahil sa lakas ng hangin nabunot ang mga ugat ng puno. Nangabali ang malalaking sanga. Nangalagas ang mga mayayabong na dahon. Ang matipuno niyang katawan ay tinangay ng hangin at ito'y nasadlak, isang kilometro ang layo sa bahay ni Idonsan.
Lumabas sa punongkahoy ang binata. Ito'y naglakad tungo sa bayan.
Ibinalita ng guwardiya sa datu ang pagdating ng di-karaniwang panauhin.
Ang panauhin ay nagbigay-galang sa datu, "Ako po'y si Ugyao. Ako po'y naparito upang hingin sa inyo ang kamay ng inyong anak. Nabalitaan ko po ang kanyang tanging kariktan!"
Tinawag ng datu ang anak. Nang makita ng prinsesa ang binata, siya'y nabighani at ngumiti, nangangahulugang may pag-asa ang binata sa kanyang layunin.
Nagkaroon ng maringal na kasalan - sayawan at awitan, sa gitna ng di-matingkalang kagalakan ng mga dakilang panauhin.
Masaya ang pagsasama ng mag-asawa lalo na nang iluwal sa liwanag ang malusog na sanggol.
Nang ang bata ay dalawa nang buwan, ipinasya ni Idonsan na sila'y magbisita sa pamilya ni Ugyao. Ang pagbibisita sa pamilya ng ama ng bata ay kalakarang tinutupad nang panahong iyon.
Hindi malaman ni Ugyao kung ano ang gagwain. Urung-sulong kung kanyang ipagtatapat na siya'y nagmula sa mahiwagang punongkahoy. Kanyang ipinagwalang-bahala ang pakiusap ng asawa. Ang inasikaso ay ang pagkakaingin.
Dahil sa kamamaktol ni Idonsan si Ugyao ay sumang-ayon din sa pagbibisita sa kanyang pamilya. Tuturuan daw niya ng liksiyon ang asawa!
"Idonsan, pumapayag na ako. Maghanda ka na."
Ang babae ang nagluto ng bibingkang diket na hinaluan ng pulut-pukyutan. Ito ang ipasasalubong sa pamilya ng asawa.
Pinasan ni Ugyao ang sanggol na nakabalabal ng makapal na blanket, samantalang sunong naman ni Idonsan ang bibingkang nasa bilao.
Nangunguna si Ugyao sa pagtalunton ng landas na siya niyang dinaanan noong siya'y itaboy ng bagyo, noong siya'y gawing tao ni Bathala. Nang sila'y makarating sa dako pa roon ng bundok, kanilang pinasok ang loob ng isang lugal na may nag-uusling mga ugat ng kahoy.
Natakot si Idonsan at sinabi, "Huwag na tayong magtuloy! Ano ba ang ginagawa mo?"
"Basta sumunod ka," mahinahong sagot ni Ugyao.
Sila'y nagpatuloy hanggang sa dumating sa isang malaking puno. Si Ugyao at ang bata ay umupo sa puno ng kahoy.
Si Idonsan ay nagulumihanan at nagmakaawa, "Mahal, ano ba ang kahulugan nito? Tayo na magbalik!"
"Hindi! Diba't kaw ang may kagustuhan nito? Ito ang kaganapan ng iyong kahilingan. Sumunod ka sa akin!"
Sila'y dumating sa matatandang sanga ng mga punongkahoy. Lalong makapal at malalago ang mga dahon. Naalaala ni Ugyao na sa lugal na iyon nakatayo ang punong nilabasan niya nang maging tao.
Hindi makita ni Idonsan ang mukha ng asawa. Wala na rin siyang marinig na tinig. Siya'y muling nagmakaawa.
Isang himala! Ang bata ay inihugos pababa sa lupa ng mga mahahabang sanga.
Biglang itinapon ni Idonsan ang bilaong puno ng bibingka. Siya'y lumakad na pauwi.
Si Ugyao ay kagyat na naging punongkahoy!
Nang ang mga binata't dalaga ay nagtagpo kinabukasan sa lunang dati nilang tagpuan - sa lilim ng puno ng nara, sila'y namangha nang mapansin ang nara sa rati nitong kinalalagyan.
Sila'y nagsiupo sa maaliwalas na lilim ng puno. Kanilang nakita na sa balat nito ay umagos ang pulang dagta. Noong una ang kulay ng dagta ay puti ngunit ngayon ay pula! Bakit kaya? Magugunita na sa kahoy nagmula si Ugyao. Siya'y ginawang tao ni Bathala! Pagkat tao kaya nananalaytay sa kanyang mga ugat ang dugo. Nang siya'y naging punongkahoy ang dugo'y naging dagtang matingkad ang kulay na parang dugo!