Si Mang Catalino ay matagumpay na magbubukid. Katunayan, umunlad ang kanyang kabuhayan dahil sa pagbubungkal ng lupa at paghahalaman. Kung siya'y may matatawag na kahinaan sa buhay, ito'y ang masyadong kasipagan. Siya'y trabaho nang trabaho. Nguni't ang araw ng Linggo ay kanyang ipinangingilin. Siya'y hindi nakalilimot magsimba.
Maagang-maaga noon. Kinalagan ni Mang Catalino si Kalakian sapagka't ito'y nakatali sa lilim ng kamatsili. Gusto niyang pumunta sa gutaran upang mag-araro.
Si Kalakian ay nagsalita, "Mang Catalino, yayamang ang araw na ito ay aming kaarawan, Araw ng mga Hayop, maanong kami'y inyong pahintulutang magsaya."
"Anong gusto mong sabihin?"
"Ang araw na ito'y ituring ninyong pangilin. Huwag ninyo kaming papagtrabahuhin."
"Sinong kami?" tanong ni Mang Catalino.
"Kami po ni Baka."
"Anong gusto ninyong gawin?" pag-uulit sa unang tanong.
"Kami po ni Baka ay gustong magliwaliw sa ilog. Gusto naming lumangoy at maglaro."
"Oo. Pahihintulutan ko kayo nguni't pagdating ng ikasampu, kayo'y uuwi. May pupuntahan tayo. Hindi ko na kayo dapat pang sunduin."
Masayang-masaya ang dalawa. Si Baka ay umunga nang malakas at mahaba. Sila'y nagpunta sa ilog. Ito'y hindi naman kalayuan.
Nang naliligo na ang dalawa si Baka ay nagtanong. "Kaibigan, ikaw ba'y kontento na sa iyong buhay?"
"Oo, at ikaw?" sagot-tanong ng kalabaw. "Ako'y maligaya. Mabait ang ating amo. Kahit maghapong nag-aararo, sagana naman tayo sa pagkain. Nawawala agad ang pagod ko kung ako'y makapaglublob sa putik. Bakit naitanong mo iyan?"
"Di nga't palagay ko ay ganito na lamang tayo habang buhay, walang pag-asenso."
"Bakit naman?"
Si Baka ay hindi sumagot.
Sa kalalangoy at kalalaro ng dalawa, hindi nila nahalata na tanghali na pala. Mag-iikalabindalawa na. Katanghaliang pipitik.
Narito na si Mang Catalino at sila'y kinakaon. Malayo'pa ay nakita na nilang may dalang pamalo. Hindi naman sila binubulyawan. Sila'y dali-daling umahon. Sila'y dumako sa may balanggutan at doon nagbihis. Naroon ang kanilang damit.
Sa pagmamadali at takot sa panginoon, ang dinampot na damit ni Kalakian ay ang kay Baka at ang nakuha naman ni Baka ay ang kay Kalakian. Sila'y nagkapalit. Dali-dali nilang isinuot ang saplot upang huwag silang abutan.
Takbuhan ang dalawa pauwi. Hirap na hirap si Kalakian sa pagtakbo sapagka't ang suot na damit ay sikip na sikip. Ang suot naman ni Baka ay napakaluwang at nakasalampay lamang.
Mula noon ang kalabaw ay iimpang-impang kung lumakad at si Baka nama'y mabilis humagpay at kumilos.