Noong bata pa ang daigdig, ang Pilipinas ay buo, mahaba at makitid na lupalop.
Sa hilaga ay nakatira ang mag-asawang Angalo at Angarab. Sila'y nabubuhay sa pamumulot ng kabibi sa tabing-dagat. Malayo na ang kanilang nalakad subalit wala pa silang nakitang kabibi kahit isa. Si Angalo ay napalaot nang kaunti.
May natisod siyang bagay sa ilalim ng tubig. Yumukod siya at ito'y kinuha. Isang malaking kabibi ang bumulaga sa kanyang paningin.
Binuksan niya ang kabibi ay gayon na lamang ang kanyang pagtafaka nang makita ang isang bilog na batong makinang.
"Tingnan mo, Angarab. Ano kaya ito?" at itinaas ang maliit at maningning na bato.
"Iya'y perlas!" ang sigaw ng asawa sa kabila ng kanyang pagkamangha. "Manguha tayo ng marami!"
Mahabang oras na sila'y namulot ng malalaking kabibi sa bandang ilalim ng dagat. Isa-isa nilang tinanggal ang mga perlas sa kabibi at maingat na binalot sa malambot na balat ng kahoy.
Nang sila'y pauwi mula sa hilaga nagsimula ang kanilang away. Iginiit ng isa't isa na malaki ang bahagi na dapat mapasakanya tungkol sa mga perlas na natipon.
"Malaki ang aking bahagi! Ako ang unang nakatuklas ng perlas."
"Hoy, mahiya ka! Marami ang napanguha ko kaysa sa iyo. Kaya malaki ang aking kabahagi!"
Sila'y nagsumbatan at nagtungayawan. Kapwa sila nagtatadyak sagalit.
Ang sigaw at ingay ng tadyak ay dumagundong kaya ang mga bundok ay nangatibag at ang lupa ay gumiwang, nagkalungga at nangagkabitak. Bukod sa sigawan at tadyakan, sila'y nagsabuyan ng putik at bato. Ang mga bato at buhangin ay nangagliparan sa iba't-ibang dako. Ang lupang kanilang kinatatayuan dahil sa away ay nangapitak at nagkahiwa-hiwalay. Ang malapad na lupa sa hilaga ay naging Luzon; ang nasa timog ay naging Mindanao. Ang mga batumbuhay na tumalsik sa iba't ibang dako ay naging Bisayas.
Dahil dito kaya ang kapuluan ngayon ay nababahagi sa daan-daang isla, malaki't maliit.