Noong unang panahon ay walang kahuni-huni ang mga palaka. Tahimik lamang sila kahit umuulan. Maligaya na silang tumatalun-talon sa mga bato, halaman, at mga mabababang sanga ng punongkahoy.
Ang pinakamaingay na hayop na kasa-kasama ng mga palaka ay si Tuko. Malakas kasi ang kanyang tinig. Siya ang kinikilalang hari ng mga hayop. Ang lahat ng kanyang mga ipinag-uutos ay nasusunod.
Ang kanyang bawat pangungusap ay may halong pagbabanta.
"Hangga't naririto ako ay wala kayong utos na susundin kundi ang mga utos na nagmumula sa akin," ang sabi ni Tuko. Makapangyarihan ang kanyang tinig, bukod sa ito'y malakas at waring nananakot.
Isang araw ay nagkasakit si Tuko. Sumakit ang kanyang tiyan. Uminom siya ng gamot ngunit tinubuan siya ng maraming bukol sa buong katawan. Gumalas ang balat ng buong katawan ni Tuko at pasumpong-sumpong ang pagsakit ng kanyang tiyan. Dahil dito, laging mainit ang kanyang ulo. Lalo siyang naging magagalitin. Ang lahat ng hayop na makita niya ay kanyang sinisigawan. Ang lahat ng mga insekto ay kanyang pinagbibintangan. Ang bawat kilos at mga pagbabago ng mga hayop ay kanyang sinusubaybayan.
"Ikaw ba ang dahilan ng pagkakasakit ko, Lamok?" ang tanong ni Tuko. Nanlilisik ang kanyang mga mata.
"Bakit naman Haring Tuko? Tumitigil ka ba sa madilim na lugar? Nakagat na ba kita kahit minsan? Takot na takot nga akong lumapit sa iyo, ah," ang sagot ni Lamok.
"Kung hindi ikaw ay baka itong si Bubuyog," ang pamimintang ni Tuko.
"Aba, hindi ako Haring Tuko. Maingay lang ako at mahilig umawit," ani Bubuyog.
"Kung gayo'y sino? Sino ang dahilan ng pagka-kasakit ko?" ang tanong ni Tuko. Galit na tumingin si Tuko kay Langaw.
"Huwag mo akong pagbintangan, Haring Tuko. Lumilipad lang ako at hindi kita binibigyan ng sakit," ang sagot ni Langaw.
"Kung gayo'y sino nga? Sino?" ang malakas na tanong ni Tuko.
"Ewan ko," ang halos magkakasabay na tugon ng mga insekto.
Magtatanong pa sana si Haring Tuko nang bigla na namang sumumpong ang sakit ng kanyang tiyan. Walang malamang gawin si Haring Tuko. Pabaling-baling ang kanyang katawan.
"Naku! Hayan, sumasakit na naman ang tiyan ko! Aruy... amy!" ang namimilipit sa sakit na sabi ni Haring Tuko. "Bubuli, ikaw ang inuutusan kong humanap ng halamang-gamot na makapagpapagaling sa aking sakit. Ngayon din! Huwag kang babalik nang hindi dala ang gamot na makapagpapagaling sa akin."
"Masusunod," ang sagot ni Bubuli.
Mabilis na umalis si Bubuli. Ngunit magtatatlong araw na ay hindi pa siya nagbabalik. Labis na nag-alala ang kanyang mga kaibigang sina Buwaya at Butiki. Nagtanung-tanong sila sa kanilang mga kasama sa kinaroroonan ni Bubuli.
Galit na galit si Haring Tuko, lalo na kapag sumu-sumpong ang kanyang sakit. Hindi niya alam kung anong parusa ang igagawad niya kay Bubuli. Upang malimutan ang nangyari, si Buwaya naman ang kanyang ipinatawag.
"Hindi pa bumabalik si Bubuli kaya't ikaw ang inuutusan ko, Buwaya. Humanap ka ng halamang-gamot na makapagpapagaling sa akin. Huwag mong tutularan si Bubuli. Ibig kong makabalik ka na dala ang halamang-gamot," sabi ni Haring Tuko kay Buwaya.
"Sa kalagayan ko ay hindi ko magagawa ang ipinag-uutos mo, Haring Tuko. Ang halamang-gamot ay nasa lupa. Maaaring ako naman ang magkasakit kung aalis ako sa tubig," ang sagot ni Buwaya.
Lalong nagalit si Haring Tuko sa kanyang narinig.
"Mga walang silbi!" ang sigaw ni Haring Tuko.
Nasa gayong pag-uusap sina Buwaya at Haring Tuko nang lumapit si Palaka sa galit na hari. Noong una'y atubili siya sa paglapit, ngunit talagang ibig niyang makatulong sa hari. Hindi niya matiis na makita ang haring hindi mapakali. At higit sa lahat, ayaw niyang makitang nagagalit ang hari.
"Haring Tuko, bakit po hindi ako ang inyong utusan? Nakatatalon po ako sa mga halaman kaya't nalalaman ko ang halamang-gamot na makapag-papagaling sa inyo," ang sabi ni Palaka.
Natigilan si Haring Tuko. Pinag-isipan niyang mabuti ang sinabi ni Palaka. Hindi niya akalaing may magmumungkahi sa kanya upang tumulong.
"Kung gayon, Palaka, ay ihanap mo ako ng halamang-gamot. Kapag napagaling ako ng halamang-gamot na dala mo ay bibigyan kita ng gantimpala," ang sabi ni Haring Tuko. "Inaasahan ko ang iyong pagbabalik. Huwag mong tutularan si Bubuli."
Noon din ay naghanap ng halamang-gamot si Palaka. Patalun-talon siya sa mga halaman at sa mga sanga ng mga mabababang puno. Inaamoy niya ang mga ito. Tuwang-tuwa siya dahil kayraming mga halaman at kaytataas ng mga puno sa paligid.
Laking tuwa ni Palaka nang makita niya ang halamang-gamot na kanyang hinahanap.
"Tiyak na matutuwa si Haring Tuko," ang wika ni Palaka sa kanyang sarili.
Noon din ay nagbalik si Palaka kay Haring Tuko.
"Haring Tuko, ito po ang halamang-gamot na makapagpapagaling sa inyong sakit," ang sabi ni Palaka. "Ang katas po ng dahong ito ay napakabisa. Nakatitiyak po ako na gagaling na kayo."
Noon din ay nginuya ni Haring Tuko ang dahong ibinigay ni Palaka. Ininom niya ang mapait na katas nito. Nagkataon namang nang sandaling iyon ay humihilab na naman ang kanyang tiyan.
Ilang sandali pa ay gumaling na si Haring Tuko. Tumalab agad ang katas ng dahong kanyang ininom. Tuwang-tuwa siya.
"Napagaling mo ako, Palaka. Ngayon ay ikaw ang papipiliin ko ng gantimpalang ibig mo," ang sabi ni Haring Tuko.
"Ibig ko pong maging malakas ang aking tinig. Ibig ko pong makaawit habang pumapatak ang ulan," ang hiling ni Palaka.
"Kung gayon, mapapasaiyo ang iyong kahilingan," ang sabi ni Haring Tuko.
Lumapit si Haring Tuko kay Palaka. Hinimas niya ang leeg nito.
Dahil sa kapangyarihang taglay ni Haring Tuko ay nakapagsalita nang malakas si Palaka.
"Kokak! Kokak!" ang sabi ni Palaka.
"Lakasan mo," ang utos ni Haring Tuko.
"Kokak! Kokak!" ang muling sabi ni Palaka.
"Sige, lakasan mo pa," ang utos ni Haring Tuko.
"Kokak! Kokak! Kokak! Kokak!" ang paulit-ulit na sabi ni Palaka.
Mula noon, natuto nang kumokak nang kumokak si Palaka, lalo na kapag umuulan.