Sa isang malayong lugar na malapit sa sapa, may naghaharing isang alimango. Siya ang pinuno ng mga hayop at insektong nakatira roon. Sinusunod naman ng mga ito ang batas na kanyang ipinatutupad.
Isang araw, may isang palakang kumokak nang malakas. Nagising sa ingay si Haring Alimango. Tinawag ng hari ang mga palaka.
"Bakit kayo tumawa nang malakas?" ang tanong ng hari.
"Kokak! Kokak! Kokak!" ang sabay-sabay na sagot ng mga palaka.
"Tumigil kayo! Hayaan ninyong magsalita ang inyong lider!" ang saway ni Haring Alimango.
"Mahal na Hari, tumawa po kami sapagkat nakita namin ang isang pagong na pasan-pasan ang kanyang bahay."
"Sige, magsiuwi na kayo," ang utos ng hari.
Ipinatawag naman niya ang pagong. Nang dumating ang pagong, napansin ng hari na nakatatawa nga ang pagong na pasan ang kanyang bahay.
"Bakit mo pinapasan ang iyong bahay?" ang tanong ni Haring Alimango.
Malungkot na sumagot ang pagong. "Kasi po may dalang ilaw ang alitaptap. Natatakot po ako na baka sunugin niya ang aking bahay," ang katwiran ni Pagong.
"O sige, lumakad ka na," ang utos ni Haring Alimango kay Pagong.
Ipinatawag ni Haring Alimango si Alitaptap.
"Bakit lagi mong dala ang ilaw?"
"Kasi po lagi akong kinakagat ng lamok. Ito pong ilaw ang proteksyon namin laban sa mga lamok," ang sagot ni Alitaptap.
Galit na tinawag ni Haring Alimango ang mga lamok.
"Bakit ninyo kinakagat ang mga alitaptap?" ang usisa ni Haring Alimango.
Hindi sumagot ang mga lamok. Sa halip, lumipad ang isa sa mga ito kay Haring Alimango at kinagat siya sa noo. Hinampas ng hari ang lamok na naging dahilan ng kamatayan ng lamok.
Bilang ganti sa nangyari sa kanilang kasama, ang lahat ng mga lamok ay nagtungo sa palasyo ni Haring Alimango.
Ngunit wala na sa palasyo ang hari. Nagtago na ito sa ilalim ng lupa. Mula noon, naging ugali na ng mga alimango ang magtago sa ilalim ng lupa.