Noong unang panahon, hindi namumulaklak ang ilang-ilang. Isa ito sa mga punong puro dahon lamang ang tumutubo sa mga sanga. Sa loob ng kagubatang malapit sa ilog, katabi ng ilang-ilang ang mga punong dapdap, akasya, at nara.
Isang araw, nag-uusap ang mga puno.
"Ang ganda-ganda mo talaga, Dapdap. Punung-puno ka ng bulaklak," bati ni Ilang-ilang kay Dapdap.
"Oo nga. Kaya nga hangang-hanga ang lahat ng makakita sa kanya," sang-ayon ni Akasya.
"Halos wala na siyang dahon kaya kahit sa malayo, namumukod-tangi ang kanyang ganda. Puro bulaklak na pulang-pula ang iyong makikita," sabi naman ni Nara.
Nasiyahan si Dapdap sa mga narinig. "Salamat sa inyo," nakangiting sagot ni Dapdap.
"Walang anuman," sagot ni Ilang-ilang, Akasya, at Nara.
"Maganda rin ang mga bulaklak ni Akasya," sabi ni Dapdap.
"Oo nga. Pero hindi pahuhuli si Nara. Maganda rin ang kanyang mga bulaklak. Tunay na kaiga-igaya kayong tatlo. Puro kayo namumulaklak samantalang ako ay puro dahon lang," malungkot na wika ni Ilang-ilang.
"Hindi ka dapat malungkot. Kahit hindi ka namumulaklak ay mabait ka naman," sabi ni Dapdap kay Ilang-ilang.
"Saka maganda rin naman ang malalapad mong dahon," dugtong ni Nara.
"Huwag kang mag-alala, kahit hindi ka namumulaklak, magkakaibigan pa rin tayo at iyon ang mahalaga," sabi naman ni Akasya.
Hindi naaliw si Ilang-ilang ng kanyang mga kaibigan kaya tumahimik na lang sila. Alam nilang malungkot pa rin ito.
Maya-maya pa'y dumilim ang dating bughaw na kalangitan. Lumamig ang simoy ng hangin.
"Naku! Mukhang uulan nang malakas. Kawawa naman ang mga ibon," nag-aalalang sabi ni Ilang-ilang.
"Huwag kang mag-alala, maraming masisilungan ang mga ibon," sagot naman ni Akasya.
Hindi nagtagal at bumuhos ang malakas na ulan. Isang munting ibon ang naghahanap ng masisilungan. Una itong dumapo kay Dapdap.
"Huwag kang sumilong sa akin at mababasa ka rin. Nakikita mo't puno ako ng bulaklak at saka baka masira ang mga bulaklak ko," sabi ni Dapdap.
Lumipad ang ibon kay Nara.
"Marami nang nakasilong sa akin. Sa iba ka na sumilong," sabi nito sa munting ibon.
Lumipat ang ibon kay Akasya.
"Maaari ba akong makisilong?"
Basang-basa na ang munting ibon at nangangatog na sa ginaw. Hindi na nakatiis si Ilang-ilang. Tinawag niya ang munting ibon.
"Munting ibon, sa akin ka sumilong at siguradong hindi ka mababasa ng ulan," pagmamagandang loob ni Ilang-ilang.
Tuwang-tuwa ang munting ibon sa narinig.
"Salamat, kaibigan. Akala ko'y wala nang magpapasilong sa akin."
"Walang anuman iyon," sagot ni Ilang-ilang. "Wala naman akong bulaklak na masisira."
"Kung may bulaklak ka, hindi mo ba ako pasisilungin?" tanong ng munting ibon.
"Syempre pasisilungin pa rin kita," mabilis na sagot ni Ilang-ilang.
Kinabukasan, maagang nagising si Ilang-ilang. Wala na ang ibon. Napansin niya ang mga bagay na nakasabit sa kanya. Maliliit na kulay berde at dilaw ang mga ito. Tila maliliit na dahon ngunit napakabango. Labis ang kanyang pagtataka.
Nagpalinga-linga siya upang hanapin ang ibon. Nais niyang itanong dito kung ano ang nangyari sa kanya.
Walang anu-ano'y may narinig siyang tinig.
"Huwag ka nang magtaka. Ang nakikita mo'y mga bulaklak. Binigyan ka ng mababangong bulaklak dahil sa iyong kagandahang loob."
"Salamat po, Panginoon," tuwang-tuwang sabi ni Ilang-ilang.
At mula nga noon ay namumulaklak na ang Ilang-ilang. At hindi lang basta bulaklak kundi pagkabangu-bangong mga bulaklak.