May isang putakti na laging gumagawa ng matamis na pukyutan. Ipinagkakapuri niya ito. Naghahandog ito kay Hupiter, ang diyos ng mga diyos.
Sinabi ni putakti sa sarili, "Masisiyahan si Hupiter sa aking kagandahang loob. Ang regalo ko ay masarap at matamis. Ako'y hihiling sa kanya ng isang bagay."
Nagmamadaling pumunta si Putakti sa bundok na tirahan ni Hupiter. Tinanggap si Putakti nang buong kagalakan. Nagpasalamat siya kay Putakti dahil sa handog nito.
"Putakti, maraming salamat sa iyo. Mabait kang talaga. Salamat sa iyong matamis na pukyutan. Gusto kong makabayad sa iyo ng utang na loob. Magsabi ka ng anumang iyong kahilingan."
Ito ang hinihintay ni Putakti. Isang napakagandang pagkakataon! Siya'y yamot na yamot sa mga batang nagnanakaw ng kanyang pukyutan. Ngayon siya ay makahihingi ng kasangkapang pananggalang.
Si Putakti ay nagsalita, "Kamahal-mahalang Hupiter, bigyan mo po ako ng pangkagat na maaaring makamatay sa aking mga kaaway. Kanila pong ninanakaw ang aking pukyutan."
Nagtaka si Hupiter. Ang kanyang pagtataka ay may kahalong galit. Bakit nanaisin ni Putakti ang pumatay? Di yata't ang hinihingi niya'y kasangkapang pamatay! Gayunman ay naipangako ni Hupiter na tutuparin niya ang kahilingan ni Putakti.
"Ako'y nalulungkot, Putakti. Di ko akalaing iyan ang iyong napiling kahilingan. Gusto mong maging mamamatay! Oo, ipagkakaloob ko ang iyong hiling. Ipagkakaloob ko ang hinihingi mong pangkagat na pamatay. Nguni't hindi iba ang papatayin mo kundi ang iyong sarili. Masasaktan ang kakagatin mo subali't pagkatapos ay ikaw naman ang mamamatay."
Iyan nga ang nangyari. Binigyanng pangkagat si Putakti. Ngayon ang mga putakti ay nangangagat. Matapos na kanilang kagatin ang iba, sila nama'y namamatay.