Noong unang panahon, ang araw at tubig ay matalik na magkaibigan. Sila'y nakatira dito sa daigdig. Laging binibisita ng araw ang tubig subali't ang tubig ni minsan ma'y di bumisita sa araw. Itinanong ng araw kung bakit gayon. Ang sagot ng tubig ay di gasinong malaki ang bahay ng araw kaya kung bibisita siya na kasama ang kanyang mga kamag-anak baka ang araw ay mapaalis na di oras sa sariling pamamahay dahil sa kasikipan.
Ang dugtong pa ng tubig, "Kung gusto mong kita'y bisitahin palakihin mo ang iyong bahay upang magkasya kaming lahat."
Nangako ang araw na siya'y magpapatayo ng malaking bahay. Siya'y nagbalik sa kanyang asawang si Buwan na nangiti sa kanyang maligayang pagdating, isang palatandaang maganda ang kanyang pagtanggap.
Sinabi niya sa Buwan kung ano ang ipinangako niya sa tubig. Kinabukasa'y nagsimula na ang paggawa ng malaking tahanang gagamiting aliwan ng kanyang mga kaibigan.
Nang ito'y matapos kanyang inanyayahan ang tubig na siya'y bisitahin.
Nang dumating ang tubig, ang isa sa kanyang kasamahan ay nagtanong sa araw kung maaaring pumasok ang pangunahing bisita.
Sumagot ang araw. "Oo, sabihin mo kay panyero na magtuloy."
Ang panauhin ay nagsimula sa pag-agos kasama ang mga isda at lahat ng hayop sa tubig.
Di nagtagal at ang tubig ay taas-tuhod ang lalim, kaya nagtanong uli sa araw, "Puwede pa ba?"
"Oo," at marami pang tubig ang pumasok.
Nang pantay-tao na ang tubig, ito'y nagtanong sa araw, "Gusto mo pa bang pumasok ang aking mga kamag-anak at tauhan?"
Sabay sumagot ng "oo" ang araw at buwan pagka't sila'y mga walang malay, kaya ang mga kaanak ng tubig ay tuloy nang pagdagsa hanggang sa ang araw at buwan ay sumampa sa bubong ng bahay.
Muli na namang nagtanong ang tubig sa araw. Katulad ng dati ang kasagutan. Lalong nagtumulin ang pasok ng mga tagasunod at kaanak ng tubig.
Tuloy-tuloy ang pagtaas ng tubig. Lumampas na sa bubong kaya sadyang napaitaas sa langit ang araw at buwan. Sila'y umakyat doon at magpahanggang ngayo'y nananatili pa roon at ayaw nang bumalik.