Ang kaayaaya at mayamang balangay ni Datu Balinda ay nasa talpukan ng alon ng Lawang Bumbon. Kinikilala ang kapangyarihan at mabuting pamamalakad ni Datu Balinda, di lamang sa lupang kanyang nasasakop kundi pati sa mga balangay ng Batangan.
Si Lita ay kaisa-isang anak ng datu. Siya ay maganda't mahinhin. Ang kanyang pag-uugali at mga kilos ay katutubo at walang hiram kaya bukod sa pangalang Lita ay tinagurian din siyang Taalita, na ang kahuluga'y taal na Tagalog at batbat ng damdaming sarili.
Si Prinscsa Taal ay tumutuntong sa ikalabingwalong Mayo. Ang kanyang mga talulot ay nakatikom at wala pang lapastangang bubuyog ang nagkapalad makalanghap ng kanyang halimuyak.
Ang tanging aliwan ni Mutyang Taal ay pamamangka sa Lawang Bunbon kasama ng kanyang mga abay at mga alipin pag sumusuksok na ang araw sa abuhing bundok. Minsan, isang hapon, matapos magpasyal, kusa siyang humarap kay Datu Balinda na ang mata'y luhaan.
"Mahal kong ama, huwag mo akong kagagalitan. Mayroon akong pagkakamali. Ako'y iyong patawarin."
"Ano ang kasalanan mo, Anak?"
Si Mutyang Taal ay di agad nakasagot. Pinahid ang luha. Lumagok ng laway bago nagsalita "Mahal kong ama, nawala po ang aking singsing. Nahulog sa lawa kangina nang ako'y nagpasyal."
"Di yata? Iyan lamang ang tanging sanlang naiwan ng iyong ina. Iyan ang tagasariwa ng aming pagmamahalan. Hindi ka naging maingat anak."
Lumuluha si Mutyang Taal samantalang ang Datu'y nagpatuloy, "Iyang singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha't lakan. Iyan ang naging piping saksi namin ng iyong ina nang pagbuklurin ang aming mga puso. Iyan ang nakarinig ng aming sumpaang sa aming dalawa'y walang magtataksil."
"Nababatid ko po ang kahalagahan niyan. Minahal ko ang singsing na iyan ng higit sa buhay, tulad ng pagmamahal ko sa nasira kong ina, subali't..." at lumuhang parang batang musmos, tuloy luhod sa ama.
"Tumindig ka anak ko. Huwag kang lumuha. Ako'y nabigla lamang sa iyong balita. Naalaala ko ang iyong ina nang nasa bingit na ng kamatayan at noong unti-unti nang nanlalamlam ang ilaw sa kanyang mga mata. Siya'y nagsalita ng ganito, "Mahal, ang singsing ay iiwan ko.
Ipagamit mo kay Lita' at siya'y sumakabilang buhay. Ikaw noon ay wawalo pang taon."
Halos maluha ang mabait na datung tila ginapi ng lungkot sa sandaling iyon. Siya'y tumunghay at nagturing saanak, "Taal, huwag kang mabalisa. Ang singsing mo ay makikitang muli. Marami tayong maninisid. Maraming maghahandog ng buhay makita lamang ang singsing na iyan." I
"Ako po'y natutuwa kung magkagayon."
"Ito, Anak, ang aking ininisip. Ako'y matanda na. Nais kong may humaliling makapangyarihang datu sa aking kaharian. Gusto kong mag-asawa ka sapagka't ikaw ay nasa katampatang gulang."
"Kayo po ang masusunod."
Kinaumagahan ay nagpabandilyo ang datu sa loob at labas ng kanyang balangay na sinumang makakita ng nawalang singsing ni Mulyang Taal na nahulog sa Lawaang Bunbon ay siyang pakakasalan ng prinsesa.
Ang utos na ito ng hari ay lumaganap sa apat na sulok ng kapuluan. Maraming nagsadya makamtam lamang ang kamay ng prinsibini. Ang mga balitang maninisid ng Tawi-Tawi sa Jolo na pulos mga Morong datu ang nagsirating. Kasama rito ang makisig na maninisid ng Ilokos na angkan daw ni Datu Bukaneg. Nagsidalo ang mga may nais magsamantala sa magandang kapalaran na galing sa Kabisayaan at Kabikulan. Si Datu Pisot ng Kapampangan ay nakipagsapalaran din subali't nangabigo silang lahat. Wala ni isa mang nakakita ng singsing ng dalaga.
Lumakad ang mga araw. Tila naiinip na sa paghihintay si Datu Balinda at si Mutyang Taal. Di kaginsaginsa'y may isang kawal na matapos humingi ng tulong sa mga anito sa pamamagitan ng dalangin at sarisaring haing pagkain, ay dumulog sa datu upang sisirin ang nawawalang singsing. Ito'y si Datu Mulawin na taga-Nasugbu. Sa lahat ng nagsisisid sa Lawa ng Bunbon ay siya ang pinakamatyaga.
Gabi't araw sa loob ng isang linggo ay di nagsawa hanggang sa matagpuan ang nawawalang singsing ng prinsesa. Di umano'y ang tiyan ng isang maliit na butiting laot ay tinistis niya at doon nakuha ang mahalagang hiyas. Ito kaya'y himala o kababalaghang tulong kay Datu Mulawin ng mga anito? Sadya kayang siya ang iginuhit ng palad upang siyang magkamit ng kamay ni Mutya Taal?
Ang utos ni Datu Balinda ay nasunod. Ipinagdiwang ang pag-iisang-palad ni Mutyang Taal at Datu Mulawin. Ang buong balangay ay nagsaya. Hindi naglipat panahon at namatyagan ng mga sakop na si Datu Mulawin ay mabuting tagapamalakad, mabait, kagalang-galang at kapuri-puri. Si Mutya Taal ay maligaya.
Subali't ang buhay ay di laging pulo't-gata. Dumarating din ang pagkakataong ang matamis na kundiman ay nagdudulot ng pait ng pighati. Minsan, isang gabing maliwanag ang buwang kabilugan, namasyal ang datu, kasama ni Mutyang Taal. Dito nagsimula ang una at huling biro ng tadhana. Sapul pala sa simula ay nakikimatyag sa masayang palasyo ng kasaganaa't kaligayahan ang matandang nuno sa lawa na nagmamay-ari ng Bunbon. Siya'y mapaghimala. Naiinggit sa buhay ng dalawang magkasintahan kaya kanyang binigyan ng balakid ang kanilang pagmamahalan.
Si Datu Mulawin at si Mutya Taal ay namangka nang gabing yaon. Ang Datu ang sumasagwan samantalang si Mutya Taal ay umaawit ng kumintang. Nakita ni Mutyang Taal ang isang malaki at di pang-karaniwang bulaklak na lotus na walang kasing ganda. Lulutang-lutang kaya kanyang dinukwang, subali't sa kasamaang-palad siya'y nahulog sa gumiwang na bangka. Dagling tinalon ni Datu Mulawin ang asawa, himala ng mga himala! Ang dalawa ay di na napaibabaw at nawalang parang bula. Minsan pang nagtagumpay ang pag-iimbot ng engkanto ng lawa laban sa kapanatagan ng buhay ng mag-asawa.
Ang mga aliping kasama sa pagliliwaliw ang siyang nagbalita ng kapahamakang nangyari. Ang lahat ay nagsihanap sa datu't sa reyna subali't ang kanilang pagpupumilit ay nawalan ng saysay. Mula noon, sa gitna ng Lawang Bunbon ay may lumitaw na pulo. Iyan ang ngayo'y tinatawag na BULKANG TAAL, ngalang ibinigay ng datung humalili kay Mulawin, tagapagpagunita sa nawalang reyna at kanyang datu. Ayon sa mga mangingisda, kung hating-gabing tahimik ang kalikasan, sa baybay ng pulo, ay maririnig ang tikam na inaawit ni Datu Mulawin, bago susundan ng isang kundimang sa yungib ng bulkan nagmumula. Ang kanilang mga awit, katulad ng mga "bulong" ay ipinaiilanglang sa papawirin upang makarating sa kanilang mga anito.