Noong unang panahon ang tubig ng dagat ay matabang. Kung kailangan ng mga tao ang asin sila'y tumatawid ng dagat upang kumuha nito sa ibayo.
May isang taong ang ngalan ay Ang-ngalo. Siya'y napakatangkad. Pag siya'y nangingisda sa dagat, ang tubig ay hanggang tuhod lamang. Kung siya'y naglalakad makikitang ang mga bundok ay kapantay ng kanyang alak-alakan.
Malaking lalaki ngunit takot siya sa langgam. Takot siya sa pugad ng langgam tulad din natin.
Isang araw ang mga tao ay naubusan ng asin. Kailangan nilang tumawid sa dagat. Naalaala nila si Ang-ngalo at sila'y nag usap, "Dapat pa ba naman tayong maglayag sa bangka? Atin na lamang usapin si Ang-ngalo. Kung kanyang ilalagay ang isa niyang paa na pahalang sa tubig, tayo'y maaaring maglakad sa pagtawid sa dagat."
Sila'y nagkasundo at nagpunta kay Ang-ngalo. "Maaari bang iyo lamang ihalang ang isa mong binti sa dagat upang kami'y makalakad at makatawid?"
Si Ang-ngalo ay mabait at mabuting kaibigan. Kanyang pinagbigyan ang mga tao sa kanilang kahilingan. Inihalang niya ang isang paa sa dagat upang lakaran ng tao.
"Huwag kang kikibo," ang sabi ng mga tao. "Pag kumibo ka, kami'y mahuhulog."
Ang mga tao ay malayang nanulay sa paa ni Ang-ngalo. Dala-dala nila ang kanilang mga supot nasisisdlan ng asin. Katulad nila'y mga langgam na naglalakad sa troso.
Hindi sinasadya ay kung bakit nang ilagay ni Ang-ngalo ang kanyang paa sa dagat, ang kanyang talampakan ay napatapak sa pugad ng langgam. Hindi naglaon at ang mga langgam ay gumapang sa kanyang binti. Nang makarating ang kanyang mga kaibigan sa kabilang ibayo, kanyang inalis sa pagkakatuon ang kanyang binti. "Punuin ninyo ang inyong mga supot. Kung kayo'y handa na ay saka ko itutuon uli ang aking binti," ang sigaw niya sa mga tao.
Nang mapuno na ang mga supot sila'y sumigaw, "Kami'y handa na. Ilagay mo na ang iyong paa, Ang-ngalo."
"Huwag kayong magmadali. Hintayin nating makabalik ang mga langgam sa kanilang pugad. Saka ko ilalagay ang aking paa."
Tumawa ang mga tao kay Ang-ngalo, "Walang katuturan ang iyong pagkamalaking tao. Katulad ka ng bata. Natatakot ka sa langgam!"
Nakiusap ang mga babaeng nagluluto, "Pakidala na rito ang asin. Iya'y kailangan-kailangan namin."
Napahiya si Ang-ngalo kaya inilagay ang kanyang paa sa dagat.
Ang mga lalaking may pasang supot ng asin ay nanulay sa kanyang paa.
"Magmadali kayo," ang sabi ni Ang-ngalo, "marami nang langgam sa paa ko."
"Kay laking lalaki, ngunit takot sa mga mumunting mga langgam!" ang patawang tugon ng mga lalaki.
Ang mga langgam ay nangunyapit sa paa ni Ang-ngalo at kinagat ang kanyang binti, tuhod at paa.
"Madali kayo. Hindi ako makatagal! Marami nang langgam sa paa ko. Ako'y kinakagat!"
Hindi pinansin ng mga lalaki ang tutol ni Ang-ngalo. Patuloy ang mabagal na paglakad nila na parang nagpapasyal.
Si Ang-ngalo'y hindi na makatiis sa kagat ng mga langgam. Kanyang hinila at iniurong ang kanyang paa. Ito'y napasawsaw sa tubig dagat. Nangahulog ang mga lalaki pati ang kanilang pasang supot ng asin. Tinulungan ni Ang-ngalo ang mga tao upang huwag malunod. Sila'y nasagip subali't natunaw ang kanilang asin sa tubig.
Mula noon ang tubig sa dagat ay naging maalat.