Noong unang panahon, ang mga alitaptap ay maliliit na kulisap lamang. Ang mga kulisap na iyon ay walang dala-dalang apoy. Nguni't ito ring mga kulisap na ito ang tinatawag natin ngayong ALITAPTAP. Bakit kaya sila ngayon ay may dal-dalang apoy na kikisap-kisap?
Gaya rin ng mga alitaptap ngayon, ang mga kulisap noong unang panahon ay gabi lamang kung lumipad. Naguni't ayaw na ayaw nila ng mga gabing madilim. Ang ibig nila ay mga gabing maliwanag ang buwan. Kapag madilim ang gabi ay nagtatago sila sa mga damo. Nagtatago sila sa mga dahon at sa mga bulaklak. Sila ay takut na takot. Bakit kaya?
Isang gabing madilim, walang malamang pagtaguan ang mga kulisap na iyon. Nakakita sila ng isang punong sampaguita. Ang ilan sa kanila ay nagkubli sa nga bukong bulaklak nito. Mayroon namang nagkubli sa mga talulot.
"Bakit ba?" ang tanong ng sampaguita. "Bakit ba kayo nagtatago? Bakit ba kayo takot na takot? Kayo ba ay natatakot sa dilim?"
"Hindi kami sa dilim natatakot," ang sagot ng isang kulisap.
"At saan?" ang tanong ng sampaguita.
"Sa mga kabag-kabag," ang sagot ng maraming kulisap.
"Bakit kayo natatakot sa mga kabag-kabag?" ang tanong ng sampaguita. "Inaano b akayo ng mga kabag-kabag?"
"Kami'y kinakain nila," ang sabi ng mga kulisap. "Kapag kami ay nakita nila ay hinuhuli kami at iyon na ang katapusan ng aming buhay."
"Masama naman ang ginagawa sa inyo ng mga kabag-kabag," ang wika ng sampaguita.
"Biruin mo, kay rami ng mga kabag-kabag," ang sabi ng isang kulisap. "Kaya kami ay pakaunti nang pakaunti."
"Mauubos nga kayo kung ganyan," ang wika ng sampaguita. Kaawaawa naman kayo."
"Hindi nga namin malaman kung ano ang aming gagawin," Ang wika ng mga kulisap.
"Eh, bakit kung maliwanag ang gabi ay hindi kayo nagkukubli sa aking puno?" ang tanong ng sampaguita.
"Kung maliwanag ang buwan ay mahirap kaming mahuli ng mga kabag-kabag," ang sagot ng isang kulisap.
"Hindi makakita sa liwanag ang mga kabag-kabag, eh," ang dugtong ng isang kulisap.
"Sila ay nasisilaw sa liwanag," ang dugtong pang uli ng isang kulisap.
"Ganoon pala. Hindi pala makakita sa liwanag," ang sabi ng sampaguita. "Tuturuan ko kayo kung ano and dapat ninyong gawin."
"Ano ba? Ano ba ang dapat naming gawin?" ang tanong ng bawa't kulisap.
"Bawa't isa sa inyo ay magdala ng apoy," ang sabi ng sampaguita. "Pagkatapos ay magsabay-sabay kayong lumabas. Matatakot sila sa inyo. Hindi nila kayo malalapitan."
"Oo nga, siya nga," ang sabay-sabay na sabi ng ilang kulisap.
"Mabuti nga, ano?" ang sabi pa rin ng ibang kulisap.
Ganoon na nga ang ginawa ng mga kulisap. Isang gabing madilim, ang bawa't isa sa kanila ay nagdala ng apoy, pagkatapos ay nagsabay-sabay silang lumabas. Naku! Para silang alipatong lumilipad. Hindi nga naman sila malapitan ng mga kabag-kabag.
Anong tuwa ng mga kulisap. Lumipad sila nang paikut-ikot sa punong sampaguita.
"Salamat sa iyo, Sampaguita. Kami ngayon ay malaya na."
Mula na noon tuwing lalabas ang mga kulisap pag madilim ang gabi nagdadala sila ng apoy. Ang mga kulisap na iyon din ang tinatawag ngayong "ALITAPTAP."