Sa isa sa mga nayong mangingisda ng Samtoy ay may bagun-taong ang ngalan ay Lino. Siya'y kaisa-isang anak ng mag-asawang napakasipag at napakasinop sa pamumuhay. Sa gulang na dalawampung taon siya'y natutong umibig sa pinakamagandang dalaga ng nayon. Ang dalaga'y si Biana. Bian, ang maikling taguri ng mga kamag-anak at kaibigan. Sa dinami-rami ng mga manliligaw kay Biana, ang nagkapitak sa kanyang puso'y si Lino. Si Lino para sa kanya ay magandang lalaki, malusog at nag-aangkin ng maraming katangian ng isang binata. Sila'y nagsumpaang pakakasal. Pangarap nila ang maging ama't ina ng maraming anak na dangal ng magulang. Malimit silang magtagpo sa ilug-ilugang malapit sa bahay ni Biana. Si Biana ay naglalaba roon araw-araw kaya hindi nalilimutan ni Lino na laging sariwain ang kanilang pangako. Tinutulungan ni Lino si Biana hanggang sa matapos siya sa paglalaba, saka pa ihahatid sa tahanan ang dalaga.
Isang araw si Biana ay nagkasakit. Hindi siya makakain. Halos araw-araw ay binibisita siya ni Lino na nagdadala ng mga bungangkahoy lamang ang naiibigang kainin ni Biana. Isang buwan na'y hindi pa siya gumagaling. Si Lino ay nagkasakit din kaya apat na araw na hindi niya nabisita si Biana. Sa ikaanim na araw, akala niya ay magaling na siya kaya naglakas-loob na dalawin ang minamahal. Malayo ang nilakad ng binata kaya dahil sa siya'y bagong galing sa sakit kaya nabinat. Siya ay inalok na tumira muna sa bahay ng dalaga. Nais niyang igawa si Biana ng pagkaing kanyang naiibigan, kaya siya'y pumayag.
"Inang," ang Simula ni Biana, "ako'y ipagluto ninyo ng isang tasang dikket. Maglabon kayo ng saging na dippeg."
Nang handa na ang dikket at saging, ang ina ay pinagsabihan ng mga dapat gawin. "Ilagay ninyo sa lusong ang dikket at pati ng saging. Lino, ikaw ba'y malakas na upang magbayo?"
"Oo malakas na ako" at binayo ang dikket at dippeg sa lusong. Binudburan ng ina ang lusong ng kinayod na niyog. Nahirapan ng pagbayo si Lino sapagka't napakalagkit ang nagkahalong dikket, dippeg at niyog.
Pinanonood ni Biana sa durungawan si Lino sa pagbayo. Sinabi ni Biana sa kanyang ina na ang binabayo ni Lino ay lagyan ng asukal. Nang malagyan ng asukal saka pa lamang napadali ang pagbayo at nawala ang lagkit.
Matapos ang kalahating oras, handa na ang pagkain.
Hinango ng ina ang binayo at inilagay sa mga bao ng niyog. Ang mga bao ng niyog ang siyang nagsilbing pinggan. Nagustuhan ni Biana ang pagkain. Noon lamang siya tinalaban ng mabuting-panlasa. Nagpasalamat sa langit ang ina dahil sa ang pagkain ay naibigan ng anak. Binigyan ng ina ang mga kapitbahay upang matikman nila ang bagong pagkaing yaon.
"Yayamang tapos na ang pagkain, ako'y yayao na," ang paalam ni Lino sa mag-ina.
Kinabukasan ang sakit ni Lino'y lumubha. Hindi siya makakilos. Tumawag ng albularyo subali't walang nagawa. Si Lino raw ay nabinat. Maraming mga medikong laway ang gumamot subali't nawalan ng saysay. Siya'y namatay sa ikatlong araw.
Nabalitaan ni Biana ang malungkot na pagkamatay ng kanyang minamahal. Siya'y nagsisi sapagka't siya ang may kagagawan ng pagkabinat ni Lino. Mga linggo ang lumipas at hindi siya makatulog. Alam ng mga magulang ni Biana na nagdadalamhati ang kanyang puso. Walang lunas na mailapat ang mga baglan sa taglay na sakit ni Biana.
Maliwanag noon ang buwang kabilugan nang pumanaw si Biana. Bago siya napatdan ng hininga ay narinig ng ina at mga kapitbahay ang, "Lino, ako ang naging sanhi ng iyong kamatayan. Hintayin mo ako. Ako'y kasunod mo na rin."
Hindi nalihim sa buong nayon ang pag-iibigan nina Lino at Biana.
Upang ipakilala nila ang pagkadakila ng dalawang magsing-ibig, tinawag ng matatanda sa nayon ang pagkaing binayo sa lusong ng linobian o linubian.
Mula noon ang linubian ang naging pinakapopular at kinawiwilihang kek ng mga Ilokano. Walang pagtitipon at kasayahang hindi kakikitaan ng paboritong kakaning ito lalo na sa piging ng mga binata't dalaga.