Sa bundok ng Arayat ay may isang diwatang engkantada. Siya ay ubod ng ganda; balingkinitan ang katawan at ang buhok ay kulot at abot-sakong. Mahaba ang kanyang pilik-mata at balantok ang kilay. Ang ilong niya ay hindi matangos ngunit hindi naman sarat subalit parang nilalik. Ang mga labi ay rosas at ang balat ay kayumangging kaligatan. Malimit na ang suot niya ay manipis at nanganganinag kaya litaw ang hugisng katawan.
Kung maganda ang kanyang anyo, lalong maganda ang kanyang ugali. Siya ay maunawain at mahabagin. Lagi siyang handang dumamay sa kapuwa.
Ang bundok ng Arayat ay natatamnan ng iba't ibang uri ng punongkahoy. Naglipana rin ang mga hayop doon. At ang ipinagtataka ng lahat ay kung bakit malalaki ang mga bungangkahoy at mga hayop ay maamo.
Ang mga hayop at punongkahoy sa Arayat ay pag-aari ni Maria.
Ipinamimigay ni Maria ang mga bungangkahoy at mga hayop sa mga mahihirap na tao. Kung sila ay magising sa umaga, ang mga bunga ng kahoy ay nasa hagdanan na lang nila. Alam nilang iyon ay inilagay doon ni Maria samantalang sila ay natutulog.
Upang maipamalas naman ang kanilang pagpapasalamat sa kagandahang-loob ng engkantada, ang mga tao ay hindi minsan man nagsadya sa bundok. Itinuturing nila na sagrado ang tahanan ni Maria.
Ngunit paglipas ng mga taon, ang mga tao'y naging sakim. Hindi sila nagkasya sa ipinagkakaloob sa kanila. Gusto nila ay marami pang bagay ang kanilang makamtan.
Nagkaisa ang mga kalalakihan na dayuhin at akyatin ang bundok ng Arayat. Nais nilang samantalahin at pagpasasaan ang malalaking bungangkahoy at ang maaamong hayop.
Sa paanan ng bundok ay naroon ang mga punong hitik sa bunga. Sa duklay na sanga, nagbitin ang mga gasuntok na bunga ng bayabas. Ang mga granada ay ganoon din. Ang mga hinog na bunga ng mangga ay inaabot lamang mula sa lupa.
Ang mga manok, baboy, kambing at iba pa ay naggala sa paligid.
Ang mga tao ay abalang-abala sa pagpapasasa sa mga bungangkahoy nang dumating si Maria. Silang lahat ay namalikmata dahil sa nakasisilaw na liwanag na nakapaligid kay Maria. Si Maria ang unang nagsalita: "Mga lalaki, kayo'y aking tinatanggap sa aking bakuran. Kayo ay manguha ng bungangkahoy. Kumain kayo hanggang gusto ninyo. Ngunit huwag lang sana kayong mag-uwi ng anuman na wala akong pahintulot."
At pagkasabi noon ay biglang nawala ang engkantada.
Ang mga tao ay namitas ng mga bungangkahoy; nagpakabusog.
"Punuin natin ng bungangkahoy ang ating mga sako!" sabi ng isa.
"Huwag! Iya'y pagmamalabis na. Saka, hindi ba, iyon ay ibinawal niya sa atin?"
"Tayo ay pumarito para manguha ng mga bungangkahoy na maiuuwi natin," sabi naman ng isa.
"Kung tayo'y mag-uuwi, humingi tayo ng pahintulot kay Maria!" sabi ng isa.
Kapagkuwan, sila ay bumaba na mula sa bundok. Ang pasan-pasan nilang sako ay kung bakit bumigat; nagkakangkukuba sila sa pagpasan noon.
Nang ibaba nila ang mga iyon at tingnan ang laman, nakita nilang ang laman ng mga sako ay bato.
Saka nila naalaala ang banta ni Maria. At sila ay inalihan ng takot at nagsitakbo. Subalit bago sila nakababa mula sa bundok, nakita na nilang nakaabang si Maria sa kanilang daraanan.
"Mga walang-turing! Tinulungan ko kayo sa sandali ng inyong kagipitan at iyan pa ang inyong igaganti sa akin. Hindi kayo nagkasya sa aking mga bigay at nais pa ninyong magnakaw. At sapagkat kayo'y matatakaw, kayo'y gagawin kong mga baboy!"
Iwinasiwas ni Maria ang kanyang baston at ang mga tao ay naging baboy.
Subalit sa kabila ng pangyayaring iyon, ang mga tao ay patuloy pa rin sa pagsasamantala sa mga bungangkahoy at hayop sa bundok. At dahil doon nang maglaon, itinigil na ni Maria ang pagbibigay ng tulong sa kanila. Nangawala sa parang ang punongkahoy at gayon din ang maaamong hayop.
Kung siya man ay nagmalupit sa mga tao, hangad lang ni Maria na magbago at magpakabuti ang mga tao. Ang mga tao ay binigyan niya ng pagkakataong magsisi sa kanilang nagawang kamalian.
"Magbago kayo!" aniya.
Ang mga tao, sa paniniwalang ang hinihiling na iyon ni Maria ay para na tin sa kanilang kabutihan, ay tumugon. Sila'y sumang-ayon. Sumuko sila kay Maria na mula noon ay nakilala na si Mariang Sinukuan.