Kung kayo'y nasa laot kapag maliwanag ang sikat ng araw, makikita ninyo ang isang napakarikit na pulong tila nakalutang sa gitna ng dagat. Ito ay Isla Verde na matatagpuan sa pagitan ng Batangas at Mindoro. Maluningning ang kulay ng mga luntiang kahoy at mga pananim doon. Kapag tinanaw buhat sa malayo ay maitatanong sa sarili: "Paano kaya nagkaroon ng pulo sa gitna ng dagat?" Maraming mangingisda at mga naglalayag sa banda roon ang natatakot pagsapit nila sa tapat ng pulong ito sapagkat maraming kababalaghang nagaganap.
Sa pulo'y maraming lumalabas na hayop na kakatawa ang anyo. Sinuman ang pumansin o pumuna o bumati sakanilang kakatawang kilos ay pinaparusahan. Ang nagpaparusa ay nakakatulad ng mangkukulam. Sila ay gumagawa ng paraya o pahabol. Ang pumuna ay nasusuka. Kung mabisa ang paraya, ang pinarurusahan ay nararatay sa banig ng karamdaman. Kung paano nagsimula ang paraya ay matutunghayan sa huling bahagi ng kuwento.
Noon daw bago dumating ang mga dayuhan sa Pilipinas, sa isang yungib ng Bulkang Halkon na nasa tagiliran ng Caiapan ay may nakatirang isang ermitanyo. Ang ermitanyo ay tahimik na nabubuhay na nag-iisa.
Sa bukid na nasa malapit ng yungib (ngayo'y bayan ng Calapan) ay may isang magbubukid na may isang anak na lalaking ang pangala'y Ido.
Si Ido mula't sapul ay malikot. May ugaling naiiba sa kanyang mga kapuwa bata. Ito ang dahilan kung bakit lagi siyang kinagagalitan ng kanyang mga magulang. Siya ay ayaw sumunod sa mga iniuutos sa kanya.
Isang araw, inutusan siyang magpastol ng kalabaw. Hindi siya tumupad sa utos ng ama. Sa halip, nagtungo sa gubat upang manghuli ng ibon sa pamamagitan ng tirador. Sa kalalakad hindi niya namalayan na nakarating na pala siya sa puso ng gubat. Nang siya ay tumingala, ang araw ay nakahilig na sa kanluran.
Dali-daling nagbalik si Ido. Bumagtas siya sa kung saang bagnos na hindi niya alam. Siya'y nagtatakbo. Nang lumabas ng kahuyanay dulo na pala iyon ng bundok sa baybay-dagat. Nanalunton siya sa tabing bundok na buhanginan.
Nang lumiko sa dulo ng bundok na nakaharap sa dagat, napansin niyang may malaking lungga roon. Tumigil ng paglakad si Ido. Mahiwaga ang nakita niyang kuweba."Mahiwaga ito," ang bulong sa sarili, "malinis ang bunganga at madaling pasukin."
Hapay na ang araw sa libis ng bundok. Subalit sa kanyang malas ay maliwanag pa rin ang loob ng yungib. Pinasok ni Ido ang kuweba. Nilingap ang paligid bago nagtuloy. Dahan-dahan ang kanyang paglakad. Kinikilabutan siya. Naninindig ang kanyang balahibo. Kinakabahan habang pumapasok. Nagtuloy upang siyasatin ang loob ng yungib.
Sa di-kawasa, nang makapasok ng mga ilang metro, bigla siyang nagtaka sa kanyang namalas! Isang matandang himbing na himbing ang nakahiga sa papag. Unat na unat sa pagkakahiga at ang mahabang balbas ay nakalaylay sa dibdib. Naisaloob niyang ermitanyo ang matandang iyon. Sa papag ng kinahihigaan ng matanda, sa gawing ulunan niya ay kalapit ang isang supot. Biglang may tuksong gumuhit sa isip ni Ido. Patingkayad na inaninaw ang napapaloob sa supot.
Maingat niyang dinampot ang supot at pagdaka'y nagmamadaling lumabas. Sa pagmamadali siya'y natalisod. Ito'y lumalang ng ingay. Kumalansing ang laman ng supot. Nagising ang matanda. Nakita niyang itinakas ng bata ang kanyang supot. Nagbalikwas at hinabol ang magnanakaw.
Natakot si Ido nang masulyapang tinutugis siyang matanda. Naisip niyang ipamulsa ang mga ginto upang makatakbo nang mabilis. Lalong pinag-ibayo ng matanda ang paghabol. Sinikap niyang mabawi ang kanyang mga ginto. Nang inaakala ni Ido na aabutan siya, binitiwan niya ang tangang supot. Tumigil ang matanda sa pagtugis. Sinunggaban agad ang supot. Ngunit nang kapkapin ay wala na ang mga laman nito!
Napahinagpis ang matanda. Hinagilap niya ang supot at nang nakakita siya ng kapirasong ginto ay ubos-lakas na ipinukol sa batang mabilis na tumakbo. Hindi tinamaan si Ido. Lumampas iyon at bumu-lusok sa gitna ng dagat. Patuloy sa pagtakbo ang bata hanggang sa nawala sa paningin ng matandang nagpupuyos sa galit.
Kinabukasan, sa gitna ng dagat ay nakita ni Ido at iba pang miron na may sumipot na pulo roon. Ipinalagay niyang yaon ang gintong ipinukol sa kanya ng matandang ermitanyo.
Mula noon ang ermitanyo ay nanirahan at nag-alaga ng maraming hayop sa isla. Ipinag-utos niya sa kanyang mga sakop at katulong na parusahan sa pamamagitan ng paraya ang bawa't taong bumati sa kanila.
Upang hindi pagnasaan ng ibang tao ang kanyang ari-arian ay pinararayaan ang sinumang matuwa o bumati sa mga ito.
Hindi naglaon, dumating ang mga Kastila. Natuklasan nilang sagana sa luntiang mga kahoy at pananim ang pulong iyon, kaya't pinangalanang Isla Verde. Hanggang sa panahong ito ay Isla Verde pa rin ang nananatiling pangalan ng pulong nabanggit.