Ang Cavinti, Laguna ay pinagpala ng katalagahan ng magagandang tanawin. Isa na rito ang balitang talon ng Magdapyo na pinagdarayo ng manlalakbay.
Di-gasinong kalaynan sa talon ang tirahan ni Magdalena, ang Mutya ng Nayon. Si Dalen ay uliran sa pakikipagkapwa at may angking gandang pambihira.
Si Pio ay napabilang sa mga tagahanga ng Mutya ng Nayon. Siya'y napatangi sa dalaga matapos maghandog ng walang kupas na pagmamahal sa loob ng mahabang panahon.
Naging maligaya at magsing-ibig bagama't sa kabila ng pagmamahalan ay tutol ang mga magulang. Si Pio ay hindi raw karapat-dapat sa pag-ibig ng dalaga pagkat isa lamang binatang nayon na kukulo-kulo ang tiyan.
Patuloy ang dalawang puso sa pagtungo sa ligaya. Sila'y nagsumpaang hindi magmamaliw ang pagmamahalan, saksi ang talon na kanilang tagpuan.
Isang araw pinangaralan si Dalen ng kanyang ina. "Pinagbabawalan kitang makipagkita kay Pio. Wala kang makikita sa lalaking iyon. Ano ba ang ipinakain niya sa iyo? Baka ikaw ay pinainom ng gayuma! Kay raming nanliligaw sa iyong mga binatang taga ibang lugal! Bakit ba siya ang iyong napili?"
Si Dalen ay malumanay na sumagot. "Tunay pong si Pio ay maralita, subalit ang kanyang pag-ibig ay dalisay!"
Minsan isang hapon sa kani lang pag-uulayaw, ang dalaga'y nag-talibukas sa binata, "Ano kaya ang dapat nating gawin upang ako'y makaiwas sa laging pagmumura ni Inay? Ako'y pinagbawalang makipagkita sa iyo."
Nag-isip si Pio bago sumagot, "Tumakas tayo. Mamayang hatinggabi hihintayin kita sa talon. Dalhin mo ang iyong mga damit."
"Ako'y minamanmanan sa bawa't sandali. Sinusukat ang aking mga hakbang. Sakaling ako'y makapanaogbaka wala akong mabitbit naanuman!"
Sumapit ang oras ng tipanan. Si Pio ay naunang dumating sa libis ng talon. Kinamaya-maya'y narito na si Dalen.
Namatyagan pala ng ina ang pag-alis nganak. Pinukaw ni Aling Putin ang asawa upang subukan ang dalawa.
Ganoon na lamang ang galit ng matandang lalaki. Kinuha ang kanyang gulok na nakasabit sa dingding.
Dinatnan ng mag-asawa ang dalawang ibig tumakas.
Ang mag-asawa'y kumubli sa malalagong dahon ng palumpong.
Sabi ni Magda, "Pio, paano kung tayo'y matutop sa ating gagawin?"
Sagot ni Pio, "Tatalon tayo sa talampas pabulusok sa ilalim!"
Halos hindi pa natatapos ang salita ni Pio, ay nasa harap na pala ang matandang lalaki. Hindi mailarawan ang galit nito pagka't masungit pa kaysa dilim ng gabi.
"Magaling na lalaki... Hoy, magbalik kayo! Hindi kayo makaaalis! Kung hindi kayo babalik ay...!" sabay amba ng gulok bilang pananakot.
Nagyakap ang binata at dalaga. Sabay nanagsalita, "Hindi kami babalik! Bahala na sa amin ang mahabaging langit!" at tumalon sa talampas, tuluy-tuloy sa ilalim ng tubig.
Ang mag-asawa'y nasindak. Tila sila sinakmal ng lagim! Pinagsisihan ang kanilang pagmamalupit!
Walang nasambit si Aling Putin kundi, "Patawarin mo kami, Magda!"
Ang sa matandang lalaki naman ay "Patawarin mo kami, Pio!"
"Patawad, Magda... Pio... Patawad... Patawad...!" ang magkasaliw na ulit, sabay ang alingawngaw ng duminding na bato at lagaslas ng tubig, "Patawad... Magda... Pio!"
Kinaumagahan, sa ibaba ng tinalunan ng magkasi ay may sumipot na dalawang batumbuhay na magkatabi. Ayon sa patotoo ng matatanda sa nayon, ang dalawang bato raw ay lumalaki sa paglipas ng mga taon!
Ginawa raw ng Diyos na maging bato sina Magda at Pio upang huwag nilang marinig ang walang hunusdiling paglait ng ama't inang sukdulan ng lupit!