Ang bugtong ay may pandaigdigang kasaysayan. Kabilang ito sa mga pasalitang literatura sa Egypt at Greece. Layunin ng bugtong na makapagpasaya sa mga pagtitipong panlipunan at makapagpatalas sa mga isipan ng mga mamamayan.
Isa sa pinakamatandang bugtong ng matandang kapanahunan ang Bugtong ng Espinghe o "Riddle of the Sphinx" na binigyang pagpapahalaga ni Sophocles sa mitolohiyang "Oedipus Rex." Sa nasabing mito ay may isang Espinghe. Ito ay isang dambuhalang hayop na may ulong tao. Nakaupo ito sa isang mataas na batuhan na natitingala ng mga taong nangagdadaan sa siyudad ng Thebes. Sa tuwing may nagdadaan ay malakas nitong pinahuhulaan ang bugtong na, "Aling hayop ang may apat na paa kinaumagahan; dalawa kinahapunan at tatlo kinagabihan?"
Ang sinumang mapadaan na walang maibigay na kasagutan ay binababa ng Espinghe upang bigyan ng kalagim-lagim na kamatayan.
Dumating sa pagkakataong hinamon ng isang matapang na estranghero ang tusong Espinghe. Ang humamon ay walang iba kundi si Oedipus na ipinatapong anak ni Haring Thebes. Pinag-isipang mabuti ng binata ang bugtong. Ang sagot niya ay tao na ipinanganak na may dalawang paa at dalawang kamay kinaumagahan; tumitindig sa dalawang paa sa katanghalian at may dalawang paa at tungkod na dala sa katandaan kinagabihan.
Sa pagkapahiya ng Espinghe ay tumalon ito sa kinaroroonang batuhan hanggang sa magkadurug-durog ang katawan. Magmula noon, nagsimula nang masagot ni Oedipus ang marami pang palabugtungan sa kaniyang buhay.
Kung pakasusuriin ang kasaysayan, maisasama sa mga tauhan sa bibliyang nagbigay pahalaga sa bugtong sina Samson, Haring Solomon at Reyna Sheba.
Kung may labanan noong pampalakasan, may tunggalian din namang pangkaisipan. Kasama nga rito ang palabugtungan.
Malungkot mang isipin, isang nakagawian na sa buhay Griyego at Romano ang pagpili sa mga kaangkupan ng tao na laging ibinabatay sa lakas at talino. Ang sinumang malakas at matalino ang inilalaban sa mga digmaan at pinararangalan sa lipunan. Kung talino na ang pinag-uusapan, kailangang masagot ng nakikipag-tunggalian ang sining ng palabugtungan.
Sa pamumuhay Pilipino, ang palabugtungan ay malaganap na. Layunin ng bugtong na magbigay ito ng katuwaan sa kabataan at katandaan. May mga ambag na bugtong na ang walong malakihang wikang panlalawigan na kinabibilangan ng Tagalog, Pampango, Bikolano, Ilokano, Pangasinense, Cebuano, Hiligaynon at Waray. May mga bugtong na rin ang iba't ibang wikang pangminoriya tulad ng Kankanay, Gaddang, Bilaan, T'boli, Tausug at Ibanag.
Sa palimbagan ng bugtong Filipino masasabing nauna rito si Frederick Starr, isang Amerikano, nang ilabas niya ang "A Little Book of Filipino Riddles" noong 1909 at si Fernando Buyser, isang Cebuano, nang ilathala niya ang "Usa Ka Gabiing Pilipinhon" noong 1912.
Kabilang sa mga mananaliksik na nagsipag-aral sa mga bugtong Filipino sa iba't ibang wika at wikain sina: Adelina Estacio sa Tagalog; Alejandrino Perez sa Pampango; Nita P. Buenaobra sa Bicolano; Jose Resureccion Calip sa Ilocano; Pelagia M. Valdez sa Pangasinense; Fe Haba Dignadice sa Hiligaynon at Ma. Luz Vilches sa Waray.
Karaniwan sa mga bugtong ang pagpapahula sa mga bagay-bagay na nakikita natin sa ating bahay, komunidad at kalikasan. Bagama't bihira ang tumatalakay sa mga basal na bagay tulad ng pag-ibig, katuwaan, kalungkutan, karangalan na hindi mahahawakan o makikita ng paningin, minarapat namin na magsama ng ilan upang mapataas din naman ang pandamang pangkalooban ng mga mamamayan.
Inaasahang hindi lamang kalidad ng bugtong ang nakalakip sa koleksiyong ito. Sa dami ng mga bugtong na isinama, naniniwala kaming nakauungos rin ito sa kantidad na pinilit naming pangatawanan.
Alay namin ito sa lahat ng estudyante, guro at magulang sa ating lipunan.