Ang pabula ay isang uri ng panitikang nagsasalaysay ng mga simpleng kwentong karaniwang nagtatampok sa mga hayop bilang mga tauhan.
Isang katotohanan na ang pinakamayaman ay ang taong binusog ng panitikan. At ang pabula ay isang mahalagang bahagi ng panitikan.
Sa Pilipinas, kilalang-kilala ang pabulang "Ang Matsing at Ang Pagong" na isinulat ni Dr. Jose Rizal.
Kung ang manunulat ng kwento ay tinatawag na kwentista at ang manunulat ng tula ay binabansagang makata, ang manunulat naman ng pabula ay tinataguriang pabulista.
Sinasabing noon pang ika-anim na siglo bago isilang si Kristo naririnig na ang mga pabula. Sa mga panahong iyon naging bukambibig ang Griyegong pabulistang nagngangalang Aesop o Esopo. Bukod kay Aesop, kinilala ring mga pabulista sina Babrias, Phaedrus, Romulus, Hesiod, Aeschylus, Archilocus, Socrates, Phalacrus at Planudes.
Noong panahon ng Renaissance, maraming manuskrito ng pabulang galing sa Greece, Persia at India ang nakarating sa Italy.
Kabilang sa mga nagpalaganap ng pabula sa daigdig ang mangangaral na si Odo ng Cheriton noong 1200; si Marie de France noong 1300; si Jean la Fontaine noong 1600; si G.E. Lessing noong 1700 at si Ambrose Bierce noong 1800.
Sa makabagong kapanahunan, nakilalang modernong pabulista na may kulay pulitika si George Orwell nang ilathala niya noong 1946 ang kaniyang obra maestrang "Animal Farm."
Ang pabula na simpleng kwento ng mga hayop ay binabasa sa buong daigdig sapagkat nakapagtuturo ito ng kabutihang asal. Binabanggit ito ng mga pari at pastor sa pulpito; ng mga guro at propesor sa klase; ng mga brodkaster at host sa radyo at telebisyon; ng mga kolumnista at editor ng pahayagan at ng mga puno ng bansa sa kani-kanilang talumpati.
Mahalagang-mahalagang mabasa natin ang pinakamagagandang pabula ng daigdig.