May isang Asnong tahimik na nanginginain sa isang malawak na damuhan. Nagulat na lang siya nang may isang gutum na gutom na Lobong padambang tumalon sa kaniyang harapan.
"Aruy! Aruy!" palahaw na iyak ng Asno.
Takang-taka ang naglalaway pang Lobo kung bakit nag-iiyak sa sakit ang bibiktimahin. Nagdrama-dramahan ang Asnong humihila-hila sa kanang paa.
"Pa... parang awa mo na. Aruy ko! Aruy ko! Natinik ng matulis at kinakalawang na bakal ang kanang paa ko. Pakitanggal mo ang tinik bago mo ako gawing pananghalian. Parang awa mo na kaibigang Lobo."
"Huwag mo akong tawaging kaibigan. Ayoko lang na matinik din ang aking lalamunan kung gagawin kitang pananghalian."
"Aruy ko! Aruy ko! Tanggalin mo na. Tanggalin mo na. Mamamatay ako sa sakit! Aruy ko! Aruy ko!" nakabibinging iyak ng Asno.
Inangat ng Lobo ang itinuturong kanang paa ng Asno. Sinipat-sipat ito.
"Wala naman akong makitang tinik a." nagtatakang sabi ng Lobo.
"Tingnan mong mabuti. Aruy ko! Aruy!" Nang yumuko ang Lobo upang muling magsuri ay itinaas ng Asno ang kanang paa at malakas na isinipa sa bibig ng mambibiktima. Bagsak ang Lobo. Nang kapain niya ang duguang bibig ay nasalat ng ganid na nabungi ang lahat niyang ngipin.
Sapagkat di niya makagat ang sana ay bibiktimahing Asno, lumayong hiyang-hiya sa katangahan niya ang Lobo.
Aral: Pakaisipin ang pinakamabisang paraan upang mailigtas ka sa kapahamakan.