Kinatatakutan ng maraming hayop sa kagubatan ang Aso. Nanginginig na ang mga Kuneho kapag tumitig na ito. Hindi na malaman ng mga Pagong ang gagawin kapag itinaas na nito ang mga paang may matutulis na kuko. Pinipigil na ng mga Manok, Pusa at Bibe ang paghinga nila upang di mapansin ng nag-aalborotong Aso. Sapagkat alam ng Aso na maraming natatakot na hayop sa paligid kaya lalo niyang pinaghuhusayan ang pagtahol.
Pinupuno niya ng hangin ang dibdib upang lalong maging malakas ang pagtahol. Naniniwala siyang ang mahinang tahol niya ay kaagad nagpapasisid sa mga Isda sa batis. Ang modulatong tahol naman ay nakapagpapagising sa mga naiidlip na Ibong biglang nagkakampay ng mga pakpak upang makalayo sa kinatatakutang ingay na nagbibigay sa kanila ng isang libo at isang pangamba. Ang malakas na tahol ng Aso ay nagpapakaripas ng takbo sa Kambing, Pabo at Baboydamo. Ang sunud-sunod na tahol naman ay hudyat na upang magtago sa mga yungib ang mga Unggoy at mga Usa.
Totoong marami ang natatakot sa nakapaninindig balahibong mga tahol ng Aso.
Sa sobrang kayabangan ay sinundan minsan ng Aso ang Leyon na noon ay namamasyal sa kagubatan. Balak din niya itong takutin. Nang mapalapit ito ay nagpakayabang-yabang na sa tindig ang mananakot. Huminga ito nang malalim. Nang mapansing lumingon ang Leyon ay nagsimulang magtatahol ang Aso. Parang matibay na Batong Gibraltrar na hindi man lang natinag ang Leyon. Nang makita ng Leyon ang tumatahol ay nilundag nito ang Aso na napatulala sa kahihiyan. Pinagsasakmal ng Hari ng Kagubatan ang Hari ng Kayabangan.
Mabuti na lang at naawat ng Tigre at Gorilya ang Haring Leyon nila. Kung hindi ay baka tinanghal na bangkay ang Hari ng Kayabangan, na nang mahimasmasan ay yumukod at humihingal na nagbigay galang sa Hari ng Kagubatang gusto sana niyang pasiklaban.
Aral: Huwag isiping talunin ang iginagalang. Baka ikaw ay labanan at umuwi kang talunan.