Takang-taka ang Lobo nang matanawan ang mabalasik na baboydamong kinakaskas ang mga pangil sa matigas na punong narra.
"Hoy, Baboydamo! Bakit parang hinahasa mo ang mga pangil mo?"
"Mga pangil ang sandata ko sa alinmang labanan. Ayokong matulad sa karanasan ng marami nating kaibigan."
"Mga karanasan?"
"Oo. Di ba walang kaabi-abisong sinalakay ng mga Agila ang mga supling ni Kalapati sa kaniyang pugad?"
"Kung naging handa lang sana ang kaawa-awang Kalapati," patangu-tangong sabi ng Lobo.
"At di ba walang awang nilusob din ng Tigre ang nagsisikaing tuta ng kapapanganak pa lamang na Inang Aso sa ilalim ng puno ng niyog?"
"Kung naging handa lang sana ang Aso," malungkot na pagsang-ayon ng Lobo.
"Ang kawalan ng kahandaan, kaibigan, ang ayokong pamarisan. Itatanong mo pa ba kung bakit pinatatalim ko ang aking mga pangil?"
"Hindi. Hindi na. Alam kong natuto ka sa mga karanasan ng iyong kapaligiran."
"Tama ka!"
Aral: Laging maging handa sa kapahamakan na darating kaninuman.