Minsan ay namamasyal sa kabukiran ang isang bata nang matanawan niya ang isang papalapit na Lobo. Sa sobrang takot ay yumuko siya kaagad sa gitna ng mga damo.
Magaling maghanap ang Lobo kaya madaling-madali siyang nakita nito. Gusto niyang kumaripas ng takbo pero natatakot ang batang sagpangin siya nito.
Huminga nang malalim ang bata at ipinagpasa-Diyos na lang niya ang mangyayari sa kaniya.
"Ma... Maawa kayo, Ginoong Lobo. Huwag sana ninyo akong kainin. Mabait na bata po ako."
Ngumisi ang Lobo at mayabang na inilabas ang nangingislap na mga pangil upang lalong takutin ang kaharap. Sapagkat busog pa sa kakakain pa lamang na bibe sa katihan, minabuti ng Lobo na idaan sa isang pagsubok ang nangangatog na bata.
"O sige. Hahayaan kitang makalayo kung masasabi mo sa akin ang tatlong bagay na sa ganang sarili ay may katotohanang hinding-hindi ko mapapabulaanan."
Namimilog ang mga matang mabilis na nag-isip ang pobreng bata, kahit nangangalog ang baba ay pinasimulan niya ang pagpapatotoo.
"Una," sabi nito sa tinig na pilit na pinalalaki, "kaawa-awa ang kalagayan ko kaninang makita mo ako."
"Ta... tama!" mabilis na pagsang-ayon ng Lobo.
"Ikalawa, lalong kaawa-awa ang kalagayan ko ngayong nasukol mo na ako!"
"Aba... aba... tama ka rin diyan." patangu-tangong pagsang-ayon ng nakatitig na Lobo. "At ang pangatlo?"
"Pangatlo?" huminga nang malalim ang bata at buong tapang na nagsabing, "Galit ako sa mga lobo sapagkat wala silang pusong umunawa sa lahat ng bagay na pinapatay at kinakain nila!"
Ginulat ng bata ang Lobo na noon ay napatulala sa katotohanang ipinauunawa.
Mapalad ang bata na nakubkob din nito ang damdaming makatarungan ng Lobong isinusuka sa kasamaan.
Sa pagkapahiya ng Lobo ay ibinigay nito ang kalayaan sa matalinong batang nanindigan sa katalinuhan at katapangan.
Aral: Ang anumang desisyon ay nagiging makatarungan lamang kung malalim na pag-iisipan.