Kakainin na sana ng Leyon ang nahuli niyang biktima nang dagitin ng Agila ang pagkaing pinaghirapan niya. Sa sobrang galit, pinanindigan ng Leyon na kakalabanin niya ang Agila. Pinulong ng Leyon ang lahat ng hayop sa lupa. Sapagkat mga ibon nga ang nagnanakaw ng mga pagkain ng Tsonggo, Usa, Baboyramo at iba pang hayop-lupa sa buong mundo kaya napapayag niya ang lahat na labanan ang Agila at lahat ng ibong nagliliparan.
"Giyera patani!" sigaw ng Haring Leyon.
"Giyera! Giyera!" sigaw ng kaniyang mga kasama.
Sa pamumuno ng Haring Leyon ay hinintay ng mga hayop ang pagdilim. Alam nilang kapag gumagabi nagbabalik sa kani-kanilang pugad ang mga ibon.
Ang pagsalakay ni Haring Leyon ay nakabulabog sa mga ibon. Maraming napatay. Ang Kuwago na pinakamatalinong ibon ang gumabay sa mga tumakas na kasama niya upang lumipad sa gitna ng kagubatan at malayo sa mga kuko ng kaaway.
Kitang-kita ng Paniki ang paglayo ng takut na takot na mga kasama. Upang isalba ang sarili, sa halip na lumipad ay naglakad siya sa lupa at nagbigay pugay sa Haring Leyon.
"Kamahalan," paliwanag nito habang pilit ria itinatago ang mga pakpak, "kamag-anak po ako ng mga daga. Gusto ko pong sumama sa inyong paglipol sa mga ibon. Inaalay ko po ang buhay ko alang-alang sa ating pagtatagumpay!"
Napaniwala ng Paniki ang Haring Leyon. Pinayagan siya nitong sumama sa digmaan kahit wala naman sa loob ang pakikipaglaban.
Sa tinamong pagkatalo ng Haring Agila ay pinulong niya ang mga kakampi na kailangan nilang makaganti. Napagkaisahan ng mga ibon na sa mag-uumaga naman sila sasalakay habang tulug na tulog pa ang mga hayop sa burol at mga bundok.
Kasisilip pa lamang ng araw sa silangan ay naririnig na ang mga kampay ng mga pakpak sa kaitasaan. Dala-dala ang mga mabibigat na bato, lumipad ang mga ibon sa kaitasaan at dali-daling pinagbabato ang mga hayop na nagising sa kalituhan. Marami ang namatay sa pandirigma ng mga ibon.
Kahit talunan, nagkapit-kapit pa rin ang mga hayop na handa pa ring mag-ipon ng lakas at magplanong lumaban.
Payuku-yukong ikinukubli ng Paniki ang mukha sa mga talunang hayop-lupa. Nang walang nakapansin ay ikinampay niya ang mga pakpak at nagpunta sa kampo ng mga katribong ibon.
"Mahal na Hari. Mahal na Hari," magalang na bati ng Paniki habang ibinubukadkad niya ang mga pakpak, "ako po si Paniki na handang mag-alay ng buhay ko sa paglaban sa mga kaaway ninyo!"
Ang layuning mag-alay ng sarili ay ikinahanga ni Haring Agila upang tanggapin ang Paniki bilang kapanalig niya.
Kinaumagahan ay paglusob naman ng mga hayop-lupa ang isinagawa. Bihis pandigma ang mga hayop. May mga sibat ang mga Tsonggo at Elepante. May mga sumpit ang Aso, Lobo at Toro.
Napag-isip-isip ng Paniki na kampihan ang mga hayop-lupa. Pero nang manalo ang mga Ibon ay kampi kagad siya sa mga Ibon.
Sa mabilisang pakikipagdigmaan ay mabilis ding iniiwanan ng seguristang Paniki ang mga talunan. Hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ng dalawang grupo ang palipat-lipat na desisyon ng Paniki.
Sapagkat napag-isip ng dalawang Hari na walang magandang kauuwian ang digmaan, napagkasunduan nilang maging magkaibigan.
Bilang parusa sa Paniking walang sariling bait, pinalayas siya ng dalawang tribo.
Sa sobrang kahihiyan, ang Paniki ay lagi nang nagtatago sa mga kuweba kung araw. Palihim lang itong lumalabas sa taguan kung gabing bilog ang buwan.
Aral: Huwag papalit-palit ang isipan. Kailangang magsuri at manindigan.