May isang matandang babae na nag-aalaga ng Gansa. Ang Gansa ay nangingitlog paminsan-minsan.
Isang araw ay nagulat ang matanda nang mapansing nangingintab ang itlog ng Gansa. Dali-dali niya itong pinulot at sinuri. Mabigat na mabigat ang itlog at nagniningning na parang ginto.
"Gintong itlog!" tuwang-tuwang nagsisisigaw ang matanda. "Nangingitlog ng ginto ang Gansa ko! Gintong itlog! Gintong itlog!"
Masayang-masaya ang matanda sa gintong itlog na bigay ng Gansa. Lalo siyang natuwa sapagkat araw-araw nangingitlog ang alaga niya. Naging mayaman ang matanda. Nakabili siya ng malawak na lupa at nakapagpatayo ng malaking bahay at nakapamuhay nang masagana.
Hindi naging lubos ang kaligayahan ng matanda. Para sa kanya napakabagal ng araw-araw na pangingitlog ng Gansa. Malalim siyang nag-isip. May sapantaha ang matandang tiyak na marami ang gintong itlog sa loob ng tiyan ng Gansa.
"Nakatitiyak ako," ngingisi-ngising hula ng matanda, "na kung papatayin ko ang Gansang ito at kukunin ko ang lahat ng gintong itlog nito ay magiging pinakamayaman ako sa komunidad na ito!"
Pinatay nga ng ganid na matanda ang Gansa. Nanghinayang siya sapagkat wala kahit isa man lamang na gintong itlog siyang nakita.
Huli na ang lahat sapagkat hindi na niya maibabalik pa ang buhay ng kaniyang alaga na nagbigay sa kaniya ng yaman at tuwa.
Aral: Makuntento sa biyayang sapat. Ang sobra-sobrang biyaya ay hindi dapat.