Isang hinete ang kumuha ng bago at batang-batang Kabayo sa kanilang kwadra. Sinakyan ito ng hinete pero napansin niyang isang masamang Kabayo ang napili niya. Kasasakay pa lang niya ay nagtatalon na ang Kabayo. Muntik nang mahulog ang hinete kung hindi lang niya nayakap ang leeg ng lintik.
Hila sa kaliwa, hila sa kanan. Sabay paghila at pagtapik sa likod ng Kabayo. Ginawang lahat ng hinete ang nalalaman niya sa pagsakay, pagbatak at pagtapik pero bigo siya. Sige pa rin sa pagtalon ang Kabayo. Minsang susubsob ito. Minsang tatalon. Minsang mag-iikot na para bang hilo.
"Aba kaibigan," sigaw ng kasama niyang hinete na muntik nang mapiraot kung hindi lang ito nakaiwas sa pagdamba ng Kabayo, "mukhang nagmamadali ka sa pagpapatakbo mo. Magpapakamatay ka ba? Saan ka ba patutungo?"
"Huwag ako ang tanungin mo!" sigaw ng nakasakay na hinete. "Ang Kabayo ang may hawak sa buhay ko. Siya ang sinusunod ko kahit ako ang hineteng dapat na nagpapatakbo rito."
Aral: Sa anumang gawain sa buhay kailangang malaman kung sino ang gabay.