Malaking-malaki ang pagpapahalaga sa sarili ng Langaw. Gusto niyang lagi siyang napapansin at pinag-uusapan. Kapag hindi mo siya pinansin ay babalikan ka niya at pipintasan sa iba pang hayop na kaniyang katsismisan. Ito ang dahilan kaya lagi at laging pinahahalagahan siya ng Kalabaw at Usa, ng Tsonggo at Tupa.
Upang mabigyan ng importansiya kapag lumilipad at kekendeng-kendeng na ay hinuhunta na siya ng Tutubi at Mariposa, ng Loro at Maya.
Isang umaga ay naghanap siya sa talahiban ng hayop na hahanga sa kaniyang angking kagandahan na sa pakiwari ng marami ay salat sa katotohanan.
Natuwa ang Langaw nang matanawan ang Baka na noon ay nguya nang nguya ng mga talahib na sariwang-sariwa.
"Teka, paano ba ako mapapansin ni Senyora Baka. Siguro kailangang dumapo ako sa sungay niya."
Marahang dumapo nga sa kaliwang sungay ng Senyora Baka si Langaw Negra.
Papikit-pikit na nakiramdam ang nagpapapansing Langaw pero kahit anong pagpapapungay ang gawin ay patuloy pa rin sa masarap na pagnguya ang Senyora.
Lumipad sa kanang sungay ang maldita at sumayaw-sayaw pa upang mapansin siya ng Baka pero pagod na sa pagbali-bali sa katawan ay ayaw pa rin siyang tingnan ng Senyorang Bakang may napakataas yatang pamantayan.
Upang tuwirang makita ay lumipad na ang Langaw sa ilong ng Baka pero wala pa ring nangyari. Hindi pa rin pinansin ang nagpapapansin.
"Teka, teka," bulong ni Langaw Negra. "kailangan sigurong sa harap na ng mata ni Senyora Baka ako magpunta nang sigurado na niya akong makita!"
Lumipad nga at dumapo sa pilikmata ng Senyora ang pilyang Negrita. Nang hindi man lang kumurap ang Baka ay nainis na ang Prinsesa Negra.
"Aalis na ako, Senyora Baka. Salamat sa pagbibigay pahintulot mong makapagpahinga ako sa dalawang sungay mo. Kahit na gusto kong makipagkaibigan at makipag-usap sana sa iyo ay hindi ko na magagawa. Marami pa kasi akong mas mahalagang bagay na gagawin at mas espesyal na mga hayop na kakausapin.
"Di sumige ka. Bakit kailangang magpaalam ka pa?" pagalit na sigaw ng Bakang malapad na ikinatakot ng Langaw na mabilis pa sa alas kuwatrong lumipad.