May isang Leyong mahimbing na natutulog sa ilalim ng puno nang may lumapit ditong isang Daga. Inakala ng Daga na tuyong damo ang buhok ng leyon kaya kinutkut-kutkot niya ito. Nagising ang Hari ng kagubatan at mabilis na umiktad at dumamba-damba na ikinahulog ng pobreng Daga. Dali-daling sinakmal ng matutulis na kuko ng Leyon ang gumambala sa kaniyang pagtulog.
"Pa... patawarin ninyo ako, mahal na Hari. Hindi ko sinasadya ang paggambala sa inyong pagtulog. Marami po ang mga anak ko na dapat pakainin. Kung mapapalaya ninyo ako ay tatanawin ko itong malaking pagkakautang. Makakabayad din po ako sa inyo sa hinaharap."
"Hindi man lang ako mabubusog kung kakainin kita. Sige, makalalaya ka na!"
Isang araw ay makikitang paikut-ikot sa gubat ang Leyon. Naghahanap siya ng pagkain sa pananghalian. Nang matanawan ang nakabiting inihaw na tapa ng Usa sa isang puno ng akasya ay dali-dali itong nagtatakbo. Sa kasamaang palad, bitag pala iyon ng mga mangangaso.
Nakulong sa makakapal na lubid ang Hari ng kagubatan. Hindi siya makawala sa bitag. Pinilit niyang magdadamba pero napatali pati mga paa niya. Walang nagawa ang lakas ng Hari.
Nagkataong nagdaraan ng tanghaling iyon ang Daga kasama ang kaniyang mga anak. Naisip ng Inang Daga ito ang oras na kailangang bayaran niya ang pinagkakautangan ng buhay.
Dali-daling lumapit ang Daga at pinagngangatngat ang makapal na lubid sa paa ng Leyon. Inutusan niya ang mga anak na ngatngatin naman ng mga ito ang makakapal na lubid sa ulunan ng Hari. Sa tulung-tulong na pagkagat sa mga lubid ay napalaya ng mga Daga ang Leyon.
"Dati-rati ay minaliit ko ang katauhan mo," pagpapakumbaba ng Leyon.
"Totoo nga pala na kung may malalaking nakakatulong sa maliliit ay makatutulong din ang maliliit sa isang higanteng katulad ko."
Naging matalik na magkaibigan ang Daga at ang Leyon magmula noon.
Aral: May maliit na nakapupuwing.