Kaugalian nang ipasok ng mga pastol ang binalot na pananghalian sa uka ng puno bago nila ilibot ang mga Tupa.
Napag-alaman ng Lobo na nagbabalik ang mga pastol upang kumain tuwing alas dose ng tanghali. Sapagkat may interes na nakawin ang mga baon kaya masusing nag-obserba ang ganid na Lobo.
Nang matanawang napuno ng baon ang butas at nagpunta na sa kani-kaniyang gawain ang bawat pastol ay dahan-dahang lumapit ang Lobo sa malaking puno.
Nang malanghap ang masasarap na pagkaing itinago ay pinilit niyang abutin ng kanang kamay ang mga baon. Swerte niyang naabot ang baon ng pinakamatandang pastol. Ang baon ay balut na balot ng dahon ng saging. Naglaway siya sa gutom nang buksan ang balutan. May mabango itong kanin, inihaw na hita ng usa, nilagang itlog ng pato, sariwang kamatis at matamis na hiwa ng papaya. Nanlalaki ang mga matang inubos ng Lobo ang baon.
Alam niyang marami pang masasarap na baon sa loob ng butas. Upang matikmang lahat, naisip niyang pumasok sa loob ng butas upang mabuksan niyang lahat ang baon ng mga pastol.
Sa isang kisapmata ay inubos niyang lahat ang mga baon. Nakalimutan niyang sa sobrang kabusugan ay lumaki nang lumaki ang tiyan niya.
Pinilit niyang lumabas sa butas upang makalayo bago dumating ang mga pastol pero hindi siya makalabas sa sobrang laki ng kaniyang tiyan.
Nang mapadaan ang isa pang Lobo ay pinaswitan niya ito at nagmakaawang tulungan siya.
Nahinuha ng kadarating na Lobo na pangit ang ginawa niyang pagnanakaw ng baon ng may baon.
"Parang awa mo na. Tulungan mo akong makalabas dito!"
"Sobra ka sa kasibaan. Maghintay ka ng ilang araw diyan. Bukas makalawa iimpis din ang iyong tiyan."
Aral: Humingi kung nangangailangan. Huwag na huwag pagnakawan ang pawisang naghahanap-buhay.