Kahit may kaliitan, maaaring sakmal-sakmalin ka ng masibang Lobo. Kapag natipuhan ka ng hayop na ito, magtago ka na at tiyak na lalapain ka nito. Kapag nangangalisag na ang mga balahibo at pinaggigiyagis na nito ang mga pangil, umakyat ka na sa pinakamataas na puno o tumakbo kaya sa pinakamalayong burol upang di abutan at lapain ang iyong katawan mula ulo hanggang talampakan.
Upang makapanloko, ang Lobo ay nagbabait-baitan. Isang tanghali ngang ito ay ikut nang ikot sa kagubatan ay natanawan nito ang isang Kabayong nanginginain sa talahiban. Inggit na inggit ang naglalaway nang Lobo sa pagnguya-nguya ng Kabayo.
"Gustung-gusto mong nguyain ang mga talahib. Nakita kitang sarap na sarap sa panginginain kaya hindi na kita sinaluhan upang ikaw ay lubos na masiyahan. Di ka ba magpapasalamat man lang at ipinaubaya ko sa iyo ang buong talahiban?"
"Naloloko ka na ba?" galit na nag-aalma ang Kabayo. "Dapat mong malaman na una, ang talahiban ay hindi sa iyo at ikalawa, ang mga Lobong tulad mo ay hindi ngumunguya ng talahib. Lumayu-layo ka diyan at baka masipa lang kita. Alis diyan!"
Sa takot ng Lobo ay walang lingong tumalikod at umalis ito.
Aral: Ang panloloko ay hindi gawaing makatao.