Gutum na gutom na ang Lobo. Sa paghahanap ng hayop na mapapananghalian ay napatingala siya nang matanawan sa mataas na batuhan ang nanginginaing Kambing. Inisip ng Lobo kung paano niya mapapababa ang bibiktimahin.
"Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Napakaganda mo lalo't tinatamaan ng sikat ng araw ang balahibo mo."
"Talaga? Salamat." Sandaling yumuko lang ang Kambing na nagpatuloy sa panginginain.
"Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Nag-aalala ako sa kapakanan mo. Baka madulas ka sa gilid ng batong tinutuntungan mo!"
"Kaya ko ito. Salamat sa pag-aalala mo," nagpatuloy sa panginginain at di man lamang tumingin ang sumibangot na Kambing.
"Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Di ka dapat sobrang magkakain. Ang anumang sobrang pagkain ay makasasama sa kalusugan natin."
Sa pakikialam ng makulit na Lobo ay galit na galit na umingos ang Kambing na nagpatuloy sa masarap na panginginain.
Nang inaakalang ayaw ng Kambing sa mga pananalitang naglalambing ay malakas na tinawag ito ng naglalaway na sa gutom na Lobo.
"Hoy, Kambing. Bakit nagtitiis ka sa kaunting damo sa ituktok ng batuhan. Bumaba ka at napakaraming damo kang makakain para sa iyong pananghalian!"
"Hoy, Lobo," galit na sigaw ng Kambing. "huwag mong akalaing napakabobo ko. Alam kong pananghalian mo at hindi pananghalian ko ang puntirya mo kaya pinabababa mo ako."
Sa pagkapahiya ng Lobo ay lumayo na ito.
Aral: Di lahat ng pag-aalala ay may katapatang kasama.