Gutum na gutom ang Lobo kaya naisipan niyang biktimahin ang maliliit na hayop sa komunidad. Upang madaling gawin ang masamang balak ay sinulatan niya ang mga ito. Sinabi niyang may sakit siya at matutuwa kung may mga dadalaw sa kaniya.
Marami ang bumisita sa Lobo. Ang bawat isa ay hindi na nakauwi pa.
Isang araw, may maliit na Kunehong bumisita sa Lobo. Nagpalinga-linga ito sa harap ng bahay bago sumilip sa bintana. Nang matanawang nakahiga sa kama ang tusong Lobo ay bumati ito sa nagkukunwaring may sakit.
"Kaibigang Lobo, kamusta ka na? Sana ay mabuti na ang kalagayan mo."
"Mabuti-buti na. Salamat, salamat at napadalaw ka. Bakit naririyan ka sa labas? Pasok ka!"
Napakurap ang Kuneho at kinabahan.
"Ha... hindi na, kaibigang Lobo. Napansin kong ang mga yapak ng mga hayop na bumisita sa iyo ay papunta sa silid mo. Kataka-takang wala isa mang yapak na papalabas dito." Matapos itong sabihin ay walang lingong likod na umalis ang nangangatog na Kuneho.