Dumidilim na kaya nagmamadaling pinapasok na ng pastol ang mga alagang Tupa sa likod bahay. Hindi namalayan ng pastol na isa sa mga Tupa niya ang nakapuslit at nakabalik sa pastulan.
Habang tuwang-tuwang nanginginain ang Tupa sa berdeng damuhan, isang gutum na gutom na Lobo ang humahangos na dumating. Sa sobrang takot ay kumaripas ng takbo ang Tupa.
Hinabol nang hinabol ng Lobo ang bibiktimahin. Lalong pinagbuti ng tupa ang pagtakbo. Niligaw-ligaw niya ang gutum na gutom na Lobo. Pumasok siya sa kagubatan, sumuot sa loob ng mga kuweba at tumalun-talon sa itaas ng mga nilulumot na bato. Inakala ng Tupang hindi na siya masusundan ng Lobo pero nagkamali siya. Naabutan din siya nito. Nang akmang sasakmalin na ay nagmakaawa ang Tupa. Pero kahit gaano kalakas umiyak ay hindi matinag ang Lobo.
Sapagkat mamamatay na rin lang ay umisip ng huling paraan ang Tupa upang masalba ang sarili.
"Payag na akong pakain sa iyo. Pero kakakain ko lang ng maraming damo na di pa nagiging bahagi ng kalamnan ko. Lalo akong magiging malaki at maalsa kung hahayaan mo muna akong magsayaw."
"Ha? Sasayaw ka pa?"
"Aba, oo!" panloloko ng Tupa. "Kailangang matunaw ang damong nginuya ko."
Inisip ng ganid na Lobo na mas makukuntento siya kung lalong maging malaman ang Tupa.
Bago nagsayaw ang Tupa ay pinahawakan muna niya ang kuwintas na batingaw sa ganid. Napansin ng Lobong hindi naman umaalsa ang katawan ng Tupa.
Sinabi ng Tupang kailangang kalansingin ng Lobo ang pinahawakang kuwintas upang ganahan siya sa pagsasayaw. Nang makitang di naman nag-iiba ang katawan ng Tupa ay galit na sasakmalin na sana nito ang kaawa-awang kaluluwa.
"Kaunting lakas pa ng pagkalansing sa batingaw upang lalo akong ganahang magsayaw," pag-uutos ng Tupa.
Sa pagkainip ay iwinasiwas ng lobo ang kuwintas na batingaw na narining ng pastol.
Dali-daling binilang ng pastol ang mga Tupa at nang mapansing wala ang isa ay mabilis niyang ipinagsama ang mga matatapang na aso niya.
Ilang sandali lamang ay natanaw na niya ang nagsasayaw na Tupa. Sinugod ng malalaking aso ang Lobong kumaripas ng takbo papunta sa bundok.
Malalim na nakahinga ang Tupa na humalik-halik sa paanan ng pastol at para bang nangangakong, "Hinding-hindi na ako pupuslit. Kung saan naroon ang mga kasama ko, ay naroroon din ako."
Aral: Sa oras ng kagipitan dapat gamitin ang masining na kaisipan.