Usang mautak na Lobo ang masusing nag-iisip kung aling hayop ang mabibiktima sa kasukalan. Napangisi ito nang matanawan ang isang pulutong ng Tupang nanginginain. Naniniwala ang Lobo na mababait ang mga Tupa at madaling biktimahin.
Alam ng Lobo na kapag natanawan siyang dumarating ay lalayo at lalayo ang mga Tupa. Kilala siya ng mga ito na tuso, nananakit at handang pumatay maitawid lamang ang sobrang kagutuman.
Inis na inis na ang Lobo. Wala kasi siyang maisip na paraan upang makalapit sa inaasahang bibiktimahin. Sa kalalakad ay nangislap ang mga mata ng ganid nang may matapakang bungkos ng kasuotang tupa na nakalatag sa daan.
Dali-daling dinampot ng Lobo ang makapal na kasuotan. Itinibabal nito ang kasuotan at pakanta-kantang nagsayaw.
"Ngayon," wika sa sarili ng Lobo, "makakahalubilo na ako sa mga Tupa na di nila makikilala."
Pinag-aralang mabuti ng tusong Lobo ang galaw ng mga Tupa. Maya-maya lamang ay lumapit na siya sa mga bibiktimahin. Sapagkat mahusay umarte at tupang-tupa nga ang tibabal ay walang nakakilala sa impostor.
Minabuti ng Lobo na isagawa ang maitim na balak sa gabi. Iniisip-isip na niya kung aling Tupa ang uunahin niyang kainin at alin-alin pa ang isusunod na bibiktimahin.
Matapos manginain ay pinapasok na ng pastol ang mga Tupa sa malawak na kural na tulugan. Nang namamahinga na ang lahat ay nagtataka ang Lobo kung bakit parang sinusuri ng pastol ang bawat Tupa. Hindi nito alam na hinahanap ng pastol ang pinakamatabang Tupang kakatayin upang ialay na handog sa isang may kaarawan.
Nang matanawan ng pastol ang Lobo ay dali-dali itong pinuntahan upang pugutan ng ulo. Ang hangad na bumiktima ay hindi na nagawa ng Lobo. Ang bibiktima ang siyang nabiktima.
Aral: Huwag maghangad ng masama sa kapwa upang hindi ka mapasama.