Inis na inis ang Lobo sapagkat sa kaiikot sa kagubatan ay wala man lang siyang nahuli para sa pananghalian.
Nagdesisyon siyang umuwi na lang. Sa haba ng daang nalakad ay pagod na ang Lobo. Kung tataluntunin niya ang mahabang daang pinanggalingan ay iniisip niyang baka hapunin siya sa paglalakbay.
Nang makita niya ang dalawang talampas na magkatapat ay naisip niyang tumalon upang marating ang kabila. Kapag nagawa nga naman niya ito ay madali siyang makararating sa kaniyang lungga.
Tumalon nga ang Lobo pero sa kasamaang palad ay dumulas ang mga paa niya. Sumabit siya sa mga baging na may mga tinik na tumusok sa katawan niya.
Sinikap ng Lobong makaahon subalit hindi naging madali ang pagliligtas niya sa sarili. Kailangang kumapit siyang mabuti sa baging upang makaahon. Bago nakasampa sa mga batuhan ay nagdugo ang mga kamay niya. Nang nakaahon na ay inis na inis na pinagmumumura at pinagsisisipa niya ang mga baging.
"Mabuti pang nahulog na ako sa bangin kaysa nasugatan sa inyong mga tinik. Mga pesteng baging na nananabit ng mga paa at humihila sa mga hayop na may mabubuting kaluluwa."
"Ay naku, naku," reaksiyon ng mga bakod na nakahilera, "bakit sisisihin mo ang mga baging na wala namang kasalanan. Ikaw ang dumating at tumalon. Sa pagnanais mong makauwi nang maaga sa iyong tirahan ay di mo na inisip na maaaring mauwi sa kapahamakan ang pagtalon mo sa bangin ng kamatayan. Pasalamat ka sa mga baging na sumabit sa iyong katawan. Kung hindi ka sumabit ay baka basag ang bungo mo sa banging dapat mong paglibingan."
Nanginig ang baba ng Lobo sa sobrang takot nang tingnan sa ibaba ang mga batong maaaring kinabagsakan.
Aral: Ating pasalamatan ang sinumang nakapagligtas sa atin sa kapahamakan.