Isang hapon ay nagpapatalun-talong namamasyal ang Bunsong Palaka sa ilug-ilugan nang biglang makaharap niya ang matangkad na Tikling na nakatungtong sa batuhang inaagusan ng tubig.
"Naku po! Pagkalaki-laking palaka!" sigaw ng nahintakutang Palaka.
"Kokak! Koooookak! Koooookak!" pananakot ng Tikling.
Nagtatalong paalis ang Bunsong Palaka.
Ilang sandali lang ay humihingal na nagsumbong ang Bunsong Palaka sa Amang Palaka.
"Naku, Tatay! Nakakita po ako ng malaking Palaka sa ilug-ilugan. Natakot po ako at nagtatalong paalis."
"Malaki ba ika mo?"
"Opo. Malaking-malaki."
"Kasinlaki ko ba?"
"Malaki pa po sa inyo!"
Pinahanginan ng Amang Palaka ang tiyan at mayabang na tumindig.
"Ganito ba kalaki?"
"Malaki pa po!"
Pinahanginan pa ng Ama ang tiyan na ikinabundat nito. "Ganito ba kalaki?"
"Higit pa pong malaki diyan at nakakatakot kung tumindig. Parang higante!"
Wala nang hihigit pa sa laki ng Amang Palaka. Sa pagkakaalam niya, siya ang pinakamalaking Palaka sa tubigan at batuhan. Hindi siya makapapayag na may hihigit pa sa kaniyang laki at lakas.
Sapagkat ayaw patalo kaya pinahanginan pa niya ng doble ang tiyan.
"Kasinlaki ko na ba siya?"
"Malaki pa po."
Sa nais ng Ama na baka mahigitan siya ng palakang nakita ng Bunsong Palaka ay pinalaki niya nang pinalaki ang tiyan. Pinalaki niya ito nang pinalaki nang pinalaki hanggang sumabog.
Ito ang ikinasawi ng Amang Palaka.
Aral: Makuntento sa biyayang sapat. Hindi natin dapat higitan ang bigay ng kalikasan.