Gusto ng Inang Alimasag na tularan siya ng mga anak sa lahat ng bagay. Para sa kaniya, siya ang modelong dapat na tingalain. Gusto naman ng mga anak na ituro lang sa kanila ang dapat nilang gawin at sila na mismo ang gagawa sa mga bilin.
Mabuti kung tama ang ipinagagawa ng Inang Alimasag. Kung tama, walang problemang pinapasan ang mga bata pero kung mali, nagrerebelde ang mga bata na ikinaiirita ng matanda.
"Sa mga umpukan dapat lang na makipag-usap kayo sa mga bisita. Pakikipagkapwa ang tawag ninyo dito." payo ng Inang Alimasag.
Maganda ang gustong ipamulat ng Ina sa mga anak. Ang pakikipag-usap nga naman ay pagpapatunay ng pakikipagkapwa. Dapat na makipag-usap ang Alimasag sa mga Pagong at Palaka, sa Bibe at Gansa. Pero napagmasdan ng mga batang Alimasag na hindi pakikipagkapwa ang pakikipag-umpukan ng Inang Alimasag. Punung-puno ng pamimintas ang kinauuwian ng pakikipagpalagayan. Ang kanilang inang dapat sanang ipagparangalan ay ikinahihiya nila sa mga kaibigan.
"Sa mga nangangailangan," payo ng Inang Alimasag sa mga anak, "dapat lang na tumulong kayo bilang kawanggawa. Ang nagugutom ay dapat ninyong pakainin at ang nauuhaw ay dapat na painumin."
Sabi-sabi lang iyon ng Inang Alimasag. Ipinanghihingi nito ng pagkain at inumin ang nagkasakit na Unggoy at Loro. Ang di matanggap ng mga batang Alimasag ay inimbak ng Inang Alimasag ang sobrang tulong sa kaniyang taguan para sa sariling pangangailangan.
Minsan, tinawag ng Inang Alimasag ang pinakamatanda niyang anak.
"Ikaw na pinakamatanda kong anak ang aking tinawag. Napapansin kong pare-pareho kayong magkakapatid kung maglakad. Dapat na taas noo at tuwid kayong maglakad na magkakapatid."
"Bakit? Hindi po ba taas noo at tuwid kaming maglakad?"
"Ituturo ko ba sa inyo kung hindi ko nakita?"
"Sige. Ituro nga po ninyo at nang matutuhan ko. Ang lahat ng matututuhan ko sa inyo ay ituturo ko sa mga kapatid ko."
"Ganito, pagmasdan mo." Itinaas na ng Inang Alimasag ang leeg niya at nagsimulang maglakad. Pero kahit anong pagsisikap ay hindi rin niya napilit ang mga paang maglakad nang tuwid. Katulad ng lahat ng Alimasag sa buong daigdig, kung maglakad din siya ay patagilid.
Aral: Ang kaya lang nating gawin ang mahusay na maituturo natin.