May isang mambububuyog o tagapag-alaga ng mga Bubuyog na masigasig na taga-ipon ng pulot. Kapag naghahanap ng nektar at polen ang mga Bubuyog ay kinukuha ng mga tagapag-alaga ang mga nagawa nang pulot sa mga pulutpukyutan. Laging may iniiwang sapat na pulot ang tagapag-alaga upang magpatuloy sa pagpupulot pukyutan ang mga Bubuyog.
Isang araw habang naghahanap ng polen ang mga Bubuyog at dumadalaw sa mga kamag-anak ang tagapag-alaga ay may magnanakaw na pumasok sa pukyutan. Kinuha ng magnanakaw ang lahat ng pulot. Sinira rin niya ang lahat ng pukyutan.
Nang magbalik ang tagapag-alaga ay galit na galit ito sa pagnanakaw at paninirang ginawa sa kaniyang pukyutan. Pinilit na pagdugtung-dugtungin ng tagapag-alaga ang pukyutang winasak.
"Napakasama ng ugali. Ninakaw na niya ang lahat ng pulot, sinira pa ang pukyutan ng mga alaga kong Bubuyog," masamang-masama ang loob na bulong ng tagapag-alaga. "Napakababait ng mga Bubuyog ko. Ang mga pulot na handog nila sa akin ay naipagbibili ko sa maraming parokyano."
Habang pinupulot ang nawasak na mga pukyutan ay narinig ng tagapag-alaga ang tila businang mga ugong ng mga Bubuyog na papadating. Nang makita ng mga Bubuyog na wasak na ang kanilang mga pukyutan ay inakala nilang ang tagapag-alaga ang may kagagawan. Sama-sama nilang pinagkakagat ang tagapag-alaga sa kamay, sa leeg, sa mukha.
"Magsitigil kayo!" galit na sigaw ng tagapag-alaga. "Hindi ako kundi ang magnanakaw ang sumira ng inyong pukyutan."
Napatigil ang mga Bubuyog at atentibong nakinig sa amo nila.
"Hindi makatarungang ako na nag-alaga sa inyo ang mananagot sa pagkasira ng mga pukyutan. Pinakawalan ninyo ang buhong na magnanakaw. Bakit ako ang inyong pagbibintangan? Hindi kayo makatarungan."
Aral: Upang maging makatarungan magsuri tayo at huwag magbintang.