Gustong magkapera ng palaka kaya umisip siyang magdunung-dunungan upang makapanggamot bilang ekspertong doktor. Umakyat siya sa isang malaking kahon at parang tunay na manggagamot na nagsalita.
"Ako si Dr. Palaka, nag-aral ng medisina sa iba't ibang bansa. Tinatawagan ko kayong lahat upang lalo kong magabayan ang inyong kalusugan, kakisigan at kagandahan."
Marami ang nag-usyosong nagpunta. Gusto nilang malaman kung anong uri ng doktor itong mayabang na nananawagan.
"Dr. Palaka, Dr. Palaka," usisa ng ibong Pugo, "kayo po ba yung palakang naligo kahapon sa sapa?"
"Hindi. Hindi ako yon." pagsisinungaling ng Palaka. "Maraming mikrobyo sa sapa. Bakit maliligo ako doon?"
"Dr. Palaka, Dr. Palaka," tanong ng Daga, "kayo po ba yung narining kong kokak nang kokak sa ilalim ng puno ng saging nang umulan noong Biyernes?
"Hindi, hindi ako yon." pagsisinungaling ng Palaka. "Hindi dapat magpabasa sa ulan upang hindi tayo dapuan ng karamdaman."
Upang di na siya pagtatanungin at usi-usisain, binigyang diin niya na dapat matuwa ang lahat ng hayop at nakapiling siya.
"Masuwerte kayo sapagkat dala ko ang mga biyaya ng mga bathalang natulungan ko. Napalaki ko ang mga bisig ni Hercules. Napabilis ko ang pagtakbo ni Merkuryo at napaganda ko ang kutis ni Venus. Sa kaunting halaga lang ay matutulungan ko kayong makamit ang isang libo at isang kakisigan, kagandahan at kalusugan. Ako po si Dr. Palaka."
"Ano, matutulungan mo akong kumisig? E kung ang malaki mong bibig ay hindi mo mapaliit, matatabasan mo kaya ang nguso ko?" walang tiwalang pahayag ng Lobo.
"At kung hindi mo napaliliit ang nakabural mong mga mata, paano mo mapauunlad ang aking kagandahan kung hindi mo mababawasan ang nakausli kong mga tenga?" pag-aalinlangan ni Binibining Kuneho.
"Ikaw na manggagamot na dapat sana ay may malusog na pangangatawan at walang bundat na tiyan ay dapat lang na maging halimbawa ng karamihan!" galit na puna ng malusog na Kambing.
"Hindi kami naniniwala sa iyo."
"Hindi ka talagang doktor." paratang ng Pusa. "Impostor! Impostor!" sigaw ng lahat. Nakayukong bumaba sa kaniyang entablado ang Palaka na nagtago sa maputik na sapa.
Aral: Huwag magdunung-dunungan upang hindi mapulaan.