Masayang tumutuka ng mga butil ng mais ang Pamilya Maya nang marinig nila ang mga yabag ng magsasakang papalapit. Sinilip ng mga ibon kung sino ang dumating. Nang malaman nilang kasama ng may-ari ng sakahan ang dalawa nitong anak na bumibisita sa taniman ay naglapit-lapit ang mga Maya at nagyukuan. Ayaw nilang ipaalam sa magsasaka na sa maisan sila nagsisipanirahan. Nalungkot sila sa narinig nilang usapan ng mag-aama.
"Ama, buo na po ang mga butil ng mais. Kailan po ninyo ito gagapasin?"
"Ipagagapas ko yan sa mga kaibigan ko sa isang linggo." Masayang kinapa-kapa ng magsasaka ang malulusog na butil ng mais at dali-dali silang lumabas sa pataniman.
"Nakaalis na po sila, Inang Maya. Kailangan na po siguro nating umalis dito."
"Huwag kayong mag-alala mga anak. Kami ng Tatay ninyo ang bahala. Hindi ba, Tatay Maya?"
"Tama ang Nanay Maya ninyo. Huwag kayong mag-alala. Hindi pa tayo paaalisin dito."
Kinalingguhan, nakita na naman ng Pamilya Maya ang mag-amang magsasaka. Wala silang kasamang mga kaibigan.
"Ama, kitang kita na po ang malagintong butil ng mga mais. Kailan ba talaga ninyo ito gagapasin?"
"Huwag kang mainip. Ipapagapas ko na yan sa mga kamag-anak natin sa isang buwan."
Makalipas ang isang buwan ay nagbalik ang mag-aamang magsasaka na walang kasama isa man sa mga kamag-anak nila.
"Ama, ama, bahagyang yumuyuko na po yata ang mga mais. Kailan po ba ninyo talaga ipagagapas ang mga ito?"
"Sa lalong madaling panahon ay pipitasin ko mismo ang mga mais at personal na tatabasin ko na ang mga namungang puno."
Madaling lumabas ang magsasaka kasunod ang mga anak.
"Naku po," nangangatog na sabi ng mga munting Maya. "Kailangan na po siguro nating lumipat, Tatay at Nanay Maya."
"Ta... tama kayo. Noong una ay kailangan pa nilang magpatulong sa mga kaibigan. Ngayon ay kailangang kailangan na nilang anihin ang mga mais at tagpasin ang mga namungang puno. Hinding-hindi na ipagpapabukas pa ng magsasaka ang pagpapaalis sa atin. Ngayon din ay dapat natin itong paghandaang lisanin."
Aral: Ang bawat karapatan ay dapat nating igalang.