Minsan may isang napakayabang na pulang Tandang na tinitingala at kinatatakutan sa isang komunidad. Pinakamalaki at pinakamataba siya sa lahat ng manok na naroroon.
Lagi at laging kinatatakutan ito sapagkat mapalapit lang dito ang alinmang manok ay ginigirian na nito at hinahabol ng tuka. Kapag lumalapit na ito ay nagkakaripasan ng takbo ang ibang matatakuting tandang, inahin at mga sisiw.
Walang makatatalo sa Tandang na ito. Pinakamagarbo itong tumindig, pinakamalakas tumilaok, pinakamabilis tumakbo at pinakamataas lumipad. Walang ibang tandang na naglakas loob na lumaban dito. Lagi at laging nanginginig ang tumbong nila iniisip pa lamang nilang hamunin ito.
Lagi nitong pinaiiral ang pananakot kaya ang lahat ng mga biyaya ay napupunta rito.
Ang pulang Tandang ang nagpapasasa sa mga butil ng palay na unang nakikita ng iba pang tandang sa mga pilapil.
Ito ang tumutuka sa mga butil ng mais na unang nahahanap ng mga inahin sa mga lansangan.
Ito rin ang umaagaw sa mga bulateng nakakahig ng mga sisiw sa mga bakuran.
Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa pagtilaok kapag sumikat na ang araw sa umaga.
Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa pag-ikut-ikot nito sa kabukiran, sa kagubatan, sa mga lansangan at sa mga bakuran matapos makapananghalian.
Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa paglipad sa pinakamagandang sanga kapag humahapon na.
Ang pulang Tandang ang Hari ng lahat, lumiwanag o dumilim man ang kapaligiran.
Isang umaga ay nanakot na naman ang pulang Tandang. Itiningkayad nito ang mahahabang mga paa sa kinatatayuang sanga. Sinipat nito ang mababang puno na kinaroroonan ng nangakapikit pang mga tandang, inahin at sisiw. Nang mapansing siya pa lang ang gising ay lalo nitong pinakatuwid-tuwid ang pagkakatindig at parang torotot ng haring rumapido ng pagtilaok sa kaitaasan.
"Ko... ko... ro... kok!" tilaok nito.
Nangagising ang lahat na napatingala. Nagulat ang mga tandang, inahin at sisiw nang matanawan sa kalawakan ang isang malaking Lawin na dumagit sa pulang Tandang.
Inilipad paitaas ang mayabang na pulang Tandang na walang nagawa kundi magkakawag. Nang mataas na mataas na ang nalilipad ay binitawan ng higanteng Lawin ang biktima.
Nagkabali-bali ang mga buto ng masibang Tandang nang bumagsak sa lupa.
Magmula noon, matahimik na nabuhay sa komunidad ang mga tandang, inahin at sisiw.
Wala na ang mayabang na pulang Tandang. Naglaho na ang naghahari-harian.
Aral: Ang sinumang naghahari-harian ay may makakatapat na kalaban.