Si Puti at si Itim ay magkaibigan. Sapagkat matagal na rin silang nagpapastol ng mga Tupa ay nagplano silang mamasyal upang maglibang.
Nagpaalam ang bawat isa sa kaniyang amo. Sa dahilang kapwa masisipag sa trabaho ay kaagad silang pinayagan. Binigyan sila ng sapat na pera upang may magastos sa kanilang lakad. Tuwang-tuwa ang dalawa. Pinag-isipang mabuti ni Puti at ni Itim kung saan pupunta. Sawa na sila sa matataas na gusali sa syudad kaya sa kagubatan sila papasyal. Sa halip na gastahin ang pabaong pera ay maipapasalubong pa nga naman nila ito sa kanilang mga magulang.
Tinalunton ng dalawa ang madamong daan. Pero nang nasa kalagitnaan na sila ng kagubatan ay namataan nila ang papalapit na higanteng Oso. Sa sobrang takot ay mabilis pa sa alas kwatrong umakyat si Itim sa mataas na puno. Si Puti naman ay nagpatay-patayan na lang sa kasukalan. Kitang-kita ni Itim na lilinga-linga ang gutom na Oso. Takang-taka si Itim kung bakit hindi man lang kinalmot o kinagat ng Osong may matutulis na kuko at ngipin si Puti. Sa halip ay nilapitan lang nito at inilapit ang bibig sa nagpapatay-patayan. Maya-maya ay tumalikod na at lumayo ang Oso. Napakamot sa ulo sa pagtataka si Itim.
Nang makasigurong wala na ang Oso ay madaling bumaba at kaagad lumapit si Itim kay Puti. Inusisa niya ito kung ano raw ba ang ibinulong ng Oso bago ito lumisan.
"Pinayuhan lang niya ako na pumili raw ng matapat na kaibigang hindi mang-iiwan sa oras ng kagipitan."
Aral: Masusuri mo ang tunay na kaibigan sa oras ng kagipitan.